Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 21,360 total views

Pista ng Santo Niño

18 Enero 2026, Isaias 9:1–6; Efeso 1:3–18; Mateo 18:1–10

Akala ng marami ang pista ng Santo Niño ay ipinagdiriwang din ng lahat ng Katoliko sa mundo kapag ikatlong Linggo ng Taon. Hindi po. Sa atin lang ito; pinayagan ng CBCP na maging parte ng kalendaryo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas dahil sa malakas na popukar devotion sa Santo Niño. Siyempre sa mga bansa na may maraming migranteng Pilipino, nakapasok na rin ito, pero hindi pa rin tulad sa atin na ipinagdiriwang na opisyal at pambansa .

Ibinabalik tayo ng pistang ito sa pinaka-pinagmulan ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong Pilipino. Bago pa natin kasi nakilala si Hesus bilang guro, propeta, o Nazarenong ipinako sa krus, una natin siyang nakilala bilang isang bata. Ang kauna-unahang imahen ni Kristo na ipinakilala sa ating mga ninuno ay hindi ang Hesus na nangangaral o humahamon sa mga makapangyarihan, kundi ang Batang Hesus, ang Santo Niñong iniregalo ni Magellan sa reynang asawa ni Haring Humabon sa Cebu.

Hindi ito aksidente ng kasaysayan. May sinasabi ito tungkol sa kung paano nais ipakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa ating mga Pilipino.

Narinig natin ang propetang Isaias sa ating unang pagbasa: “Ang bayang naglalakad sa dilim ay nakakita ng malaking liwanag… Sapagkat isinilang para sa atin ang isang bata, ibinigay sa atin ang isang anak.” Ano ang sinasabi ng orakulong ito? Darating daw sa atin ang Diyos na makapangyarihan hindi bilang mandirigma kundi sa anyo ng isang bata. Hindi daw siya mamumuno sa pamamagitan ng lakas at dahas kundi sa anyo ng kaliitan at kahinaan. Ang tinatawag niyang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay isang sanggol.

Ganyan ang Diyos na sinasamba natin sa Santo Niño—isang Diyos na hindi nananakot, kundi nagpapakumbaba; isang Diyos na hindi nangingibabaw, kundi nagpapalambot ng puso. Hindi ba parang natutunaw ang puso ng isang matanda kapag nginitian siya ng batang kalong ng isang nanay na nasa unahan niya?

Sa Ebanghelyo, nagtatalo daw ang mga alagad kung sino ba sa kanila ang pinakadakila. Isang tipikal na bagay na pinagkakaabalahan ng mga malalaking tao ang kadakilaan. Pero ang bigay na sagot ni Hesus ay hindi paliwanag. Sa halip kumuha siya ng isang bata, inilagay ito sa gitna nila, at sinabi: “Malibang kung kayo’y magbagong-loob at maging tulad ng mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.”

Ang tanong nila ay tungkol sa pagiging dakila. Ang sagot ni Hesus ay pagbabago ng puso.

Ang pagiging alagad daw ay hindi tungkol sa pagpapakadalubhasa o pagdami ng kaalaman habang tumatanda, kundi ang unti-unting pagiging bata sa puso at diwa—batang marunong magtiwala, marunong magpakumbaba, marunong umasa sa Diyos.

Marami nang mga batikang propesor ang nagsabi na ang debosyon sa Santo Niño ay nagpapanatiling parang mga musmos sa pilipinong mananampalataya. Pero baka ang problema ay humihinto sila sa unang tingin. Totoo namang ang pag-unlad sa pananampalataya ay dumadaan sa pagtatanong, sa pagiging mapanuri, sa paghahagilap ng sagot sa maraming tanong sa buhay. Pero hindi natatapos doon. Ang tunay na hinog na pananampalataya ay natututong bumalik sa kababaang-loob, hindi bilang kahinaan kundi bilang kalayaan.

Ito ang tinawag ni Santa Teresita na “little way”—o landas ng kaliitan o daan ng espiritwal na pagkabata. Hindi naman ito tungkol sa pagiging mangmang o isip-bata kundi sa pagiging mapagpakumbaba. Katulad ng batang marunong magtiwala kahit itapon pa siya sa hangin, dahil alam niyang sasaluhin siya. Humahalakhak pa habang nahuhulog sa kamay ng tatay niya.
Kaya siguro malalim ang ugat ng debosyon sa Santo Niño sa ating kulturang Pilipino. Tinatanggap natin ang mga bata bilang biyaya, hindi bilang pabigat. Hindi natin itinuturing na “isa na namang bibig na pakakainin,” kundi regalo ng Diyos—kahit may kaakibat na malaking sakripisyo.

Alam nyo ba na may mga siyudad sa mundo na may tradisyon ng paghalal ng batang mayor o alkalde kahit isang linggo lamang? Parang biro-biro pero nagsisilbing paalala na ang pamumuno ay hindi para sa sariling kapangyarihan kundi para sa kinabukasan ng mga bata.

Isa daw sa palatandaan na nagiging tunay na makatao ang isang lipunan ay kapag inuuna nito ang kapakanan ng mga bata at mahihina. Kaya sa mga ebanghelyo may mga okasyon na nagpahayag ng galit si Hesus kapag inaabuso o inaapi ang mga bata. At kaya rin malinaw: ang Simbahang nagtataboy sa mga bata ay walang kinabukasan.

Tuwang tuwa ako nang makatanggap ako noong nakaraang Pasko ng Kapampangan translation ng paborito kong librong The Little Prince. Maraming aral doon na pahaging sa mga matatanda na masyado nang naging abala sa maraming bagay tulad ng pagpapakayaman, pagpapasikat, pagpapadami ng ari-arian, pagmamadali, pero nakakalimot na sa mga bagay na totoong mahalaga. Sabi ng munting prinsipe, “Ang tunay na mahalaga ay hindi nakikita ng mata.” Hindi ba’t iyan din ang itinuturo ng Santo Niño? Larawan ng isang Diyos na nagpakaliit-liit, pwede nating buhatin sa kamay, pero nananatiling dakila sa kaliitan lubhang kayang buhatin ang buong mundo sa isang kamay?

Sa ikalawang pagbasa, pinaalalahanan tayo ni San Pablo na tayo ay pinili, inampon, at pinagpala ng Diyos kay Kristo—hindi dahil tayo’y malakas o magaling, kundi dahil mahal niya tayo. Bago pa tayo maging mga achievers, anak na ang turing sa atin. Bago pa tayo matutong magsumikap na maging kapaki-pakinabang, minahal na niya tayo.

Sa Sinulog ng mga Cebuano Pit Señor! Ang sigaw. Siguro pwede ring sumugaw ng Peace, Señor. Kapayapaan, Panginoon! Kapayapaan na hindi bunga ng pagyayabang, kundi ng pagpapakumbaba. Kapayapaang natatamo hindi sa pamamagitan ng palakasan, kundi sa malasakit sa mga dehado at maliliit—sa mga bata, sa mahihina, sa mga walang kalaban-laban.

Kung gusto natin ng kapayapaan para sa ating mga pamilya, para sa Simbahan, at sa ating bayan, kailangan matutunan nating muli ang landas ng kaliitan ni Sants Teresa, landas na natutunan niya sa Panginoon.

Ang Santo Niño ay hindi pagtakas sa ating mga pananagutan. Siya ay paanyaya ng Diyos para tayo ay magbalik-loob. Paanyayang bitawan ang kayabangan, iwaksi ang kalupitan, para makitang muli kung sino ba tayo talaga sa mata ng Diyos—mga anak niya: mapagkumbaba, marunong magtiwala, may malasakit, at may lakas ng loob na magmahal.

Ito ang dahilan kung bakit mahal natin ang Santo Niño. Ito ang dahilan kung bakit siya nananatili sa puso ng pananampalatayang Pilipino.

Ipinakita na sa atin ng Diyos ang daan—ang landas ng pagkabata.

Pope Leo XIV, bibisita sa France

 9,699 total views

Bibisita si Pope Leo XIV sa France mula Setyembre 25 hanggang 28 para sa kanyang apat na araw na apostolic journey.

Bibisitahin ng Santo Papa ang Paris, Saint-Denis, Lourdes at Metz at makikipagkita sa mga opisyal ng pamahalaan, kabataan, mga obispo, maysakit, migranteng nangangailangan ng tulong at mga relihiyoso.

Sa Paris, makikipagkita ang pinunong pastol kay French President Emmanuel Macron at bibisita sa UNESCO. Pangungunahan din ng Santo Papa ang panalangin kasama ang mga kabataan sa Stade de France.

Sa Lourdes, dadalo rin ang pinunong pastol sa mga gawain para sa mga maysakit at pilgrims at pangungunahan ang Banal na Misa at Rosary procession.

Sa Metz naman, lalahok si Pope Leo sa inter-religious meeting na nakatuon sa kapayapaan at pagkakaisa ng Europe bago bumalik sa Rome.

Nakatakda ring makipagkita ang Santo Papa sa ilang survivors ng pang-aabuso ng ilang lingkod ng simbahan France.

Tema ng pagdalaw ang “That the world may have life,” na nakatuon sa pag-asa, pagkakaisa, kapayapaan at pagkakapatiran.

Ang pagbisita ni Pope Leo XIV ang magiging unang opisyal na state visit ng isang Santo Papa sa France mula nang bumisita si Pope Benedict XVI noong 2008.

Sambayanang Pilipino, hinikayat na subaybayan ang impeachment trial ni VP Duterte

 9,805 total views

Muling hinikayat ng Prosecution Panel ang publiko na patuloy na subaybayan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng programang Veritasan ng Radyo Veritas kay Prosecution Spokesperson at Adviser Robert Barbers, sa pamamagitan ng panood sa paglilitis sa Bise Presidente ay makikita ng publiko kung dapat pa bang pagtiwalaan ang pangalawang pangulo base sa mga ebidensyang inilalahad ng prosekusyon, gayundin ang mga ebidenyang ipapakita ng depensa.

Bukod kay VP Duterte, sinabi rin ni Barbers na dito rin makikita ang mga pulitiko o indibidwal na naging bahagi ng paglilitis na kung sila ay naging makatotohanan, patas at makatarungan.

“Kung maari ay sumubaybay sila sa usaping ito, dahil dito mabubuo yung kanilang opinyon tungkol sa pagsuporta sa 2028 ng mga kandidato. Hindi lamang po ng ating pangalawang pangulo kung siya po ay tutuloy bilang kandidato pagka-presidente, titingnan din muna natin sino ba yung mga senador na ika nga eh reliable pa o kaya yung paninindigan sa katotohanan. Yun ang tingnan natin,” ayon kay Barbers.

Bago pa ang paglilitis una na ring nagpahayag si VD Duterte ng kanyang intensyon sa pagtakbo sa pangpanguluhan sa nakatakdang halalan sa 2028.

Dagdag pa ni Barbers, “Ang basehan po natin sa pagpili ng ating mga leader sa 2028 ay yung number one ay integridad. Yung kanyang integridad, siya ba ay na-involve sa isang usapin tungkol sa pandarambong? O yung ating bang leader na pipiliin eh meron bang kredibilidad yan na nagsabing ngayon tapos bukas dineny o nagsisinungaling na hindi daw nasabi? Yung mga ganung punto, dapat itong balansin mabuti ng ating mga kababayan kung ano ang katangiang hahanapin natin sa susunod na halalan.”

Iginiit ng dating mambabatas ng Surigao del Norte na dapat maging pangunahing batayan sa pagpili ng mga lider ang integridad, kredibilidad at paninindigan sa katotohanan.

Gayunman, ang magiging hatol sa impeachment trial ay nasa mga Senator-Judge, habang ang magiging pasya ng mga botante sa 2028 ay nakasalalay sa kanilang sariling pagsusuri sa mga kandidato at sa kanilang mga plataporma at rekord.

Sa susunod na linggo, ay magpapatuloy ang prosecution sa paglalahad ng mga ebidensya at testigo kaugnay sa article 1 ng articles of impeachment kung saan tinatayang may apat na testigo ang ihaharap sa buong linggo ng paglilitis.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONFIDENTIAL FUND

 72,652 total views

 72,652 total views Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Karapatan sa disenteng tahanan

 142,244 total views

 142,244 total views Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa

Read More »

Hindi nakatutuwang biro

 173,528 total views

 173,528 total views Mga Kapanalig, mabuti pa si Japanese Ambassador to the Philippines na si Endo Kazuya, maraming pagpipiliang bahay dito sa Pilipinas.  Sa isang privilege

Read More »

Sino ang papasan ng system-loss?

 205,541 total views

 205,541 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »

KULANG SA SONA NI PBBM

 354,137 total views

 354,137 total views Kapanalig, sa anumang hakbang., planong gagawin., polisiyang ipapatupad.,mga pangakong binitiwan, o mga usapin na sadyang iniiwasan. Lagi itong may kulang. Hindi ibig sabihin,

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

SINO?

 10,334 total views

 10,334 total views Homiliya para sa Ika-18ng linggo ng Karaniwang Panahon, 2 Agosto 2026, Mateo 14:13-21 Ang kulturang Pinoy ang makapagpapaunawa sa atin sa eksenang inilalarawan

Read More »

PAGSASAAYOS

 9,970 total views

 9,970 total views Dalawang talinghaga ang pagbasa sa ebanghelyo: ang mangingisda at ang maybahay. Parehong may kinalaman sa pagpili. Pagpili ng mangingisda sa mga nahuli ng

Read More »

MISTERYO AT SAKRAMENTO

 35,173 total views

 35,173 total views Homiliya para sa Solemnidad ng Kabanal-banalang Santatlo, 31 Mayo 2026, Juan 3:16-18. “Ang biyaya ng ating Panginoong Hesukristo, ang Pag-ibig ng Diyos Ama,

Read More »

DUE PROCESS

 99,193 total views

 99,193 total views Homiliya para sa Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pagkabuhay, 22 Mayo 2026, Juan 21:15-19 Dati, noong bata ka pa, binibihisan mo ang sarili

Read More »
Scroll to Top