1,523 total reads
Hinimok ni Dipolog Bishop Severo Caermare ang mga organisasyon ng mga layko sa Simbahang Katolika na iwaksi ang kompetisyon at pagkakanya-kanya, at sa halip ay paigtingin ang pagkakaisa at pagtutulungan bilang bahagi ng iisang misyon ng Simbahan.
Ito ang mensahe ng obispo, na kasalukuyang chairperson ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, sa pagbubukas ng First National Laiko Assembly sa isang hotel sa Cebu City, kung saan iginiit na hindi dapat maging magkakahiwalay ang mga organisasyon ng mga layko na abala lamang sa pagsusulong ng kani-kaniyang pagkakakilanlan at mga programa.
Ayon sa obispo, mahalagang kilalanin ng bawat samahan na ang misyon ni Kristo ang sentro ng paglilingkod at hindi ang pansariling interes.
“Synodality, then, begins when we recognize that we are not competing owners. We are not competing members of different organizations and movements within our Church, but fellow stewards of one mission,” ayon kay Bishop Caermare.
Dagdag pa ng obispo na hindi pagmamay-ari ng mga layko ang kanilang mga organisasyon at kilusan sapagkat ang mga ito ay ipinagkatiwala lamang sa kanila upang maging instrumento ng misyon ng Panginoon.
“Even our lay organizations and movements do not belong to us. They belong to Christ and exist for His mission,” paliwanag ng obispo.
Binigyang-diin ni Bishop Caermare na ang pagiging simbahang sinodal ay naipapamalas sa pamamagitan ng sama-samang paglalakbay bilang iisang Simbahan.
“The measure of our synodality is not how often we gather, but how faithfully we walk together and how courageously we go forth in mission,” aniya.
Nagbabala rin ang obispo sa mga layko laban sa pagiging kuntento sa mga pagpupulong, programa at aktibidad ng kani-kanilang organisasyon, subalit naisasantabi ang mas malawak na pagtutulungan bilang isang Simbahan.
“We cannot be comfortable with our organizations and movements simply doing their own things, satisfied with meetings, programs, and activities. Rather, we must work as one Church,” ayon kay Bishop Caermare.
Hinimok din ng pastol ang mga layko na maging malikhain sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, sa halip na hayaang manaig ang kani-kanilang interes at kompetisyon.
Tinukoy din ng obispo ang ilan sa mga maituturing na pangunahing hamong kinakaharap ng Simbahan na dapat tugunan ng mga layko ang paghina ng ugnayan sa pamilya, korapsyon, kahirapan, pagkakawatak-watak dahil sa pulitika, at ang patuloy na pagbaba ng pakikilahok ng maraming Katoliko sa buhay pananampalataya.
Hinimok ng obispo ang 208 delegado ng unang National Laiko Assembly na gawing pagkakataon ang pagtitipon upang higit na patatagin ang pagkakaisa ng Simbahan at palawakin ang kanilang pakikibahagi sa lipunan.
“We gather not merely to be together, but to become one. We connect not merely to strengthen our organizations, but to strengthen the Body of Christ. And we move forward not to promote ourselves, but to bring Christ into our families, workplaces, communities, and society,” giit ni Bishop Caermare.
Umaasa ang obispo na ang pagtitipon ay hindi lamang magiging pagkakataon upang magsama-sama ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon, kundi magsisilbing simula ng mas matibay na ugnayan, sama-samang pagkilos at mas masiglang pakikibahagi ng mga layko sa misyon ng Simbahan.
Tema ng pagtitipon ang ‘One Laiko, One Mission, One Church: Gathering, connecting, moving forward in synodality,’ na dinaluhan ng mga organisasyon mula sa 58 lay organizations and movements ng mga ecclesiastical territories sa bansa.




