1,376 total reads
Nanawagan ang CHARIS Philippines sa mga mananampalataya na gamitin ang mga kaloob ng Espiritu Santo sa paglilingkod sa kapwa, pagpapalago ng pananampalataya, at pagpapatatag ng Simbahan.
Binigyang-diin ni Fr. Bartolome Pastor, national spiritual director ng CHARIS Philippines, sa pagtatapos ng tatlong araw na National Spiritual Direction Conference sa Liloan, Cebu, na ang mga charism o espirituwal na kaloob ay dapat magbunga ng aktibong paglilingkod at ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.
“Charisms are always given for the service of others,” ayon kay Fr. Pastor, na ipinaliwanag na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo ang mga kaloob para sa kapakinabangan ng buong Sambayanan ng Diyos.
Ayon sa pari, dapat gamitin ng mga mananampalataya ang mga kaloob na tinanggap mula sa Espiritu Santo upang palakasin ang mga pamayanang Kristiyano at higit na maisakatuparan ang misyon ng Simbahan.
“A person anointed by the Holy Spirit should not remain passive,” dagdag pa ng pari.
Iginiit ng pari na ang pagtanggap ng mga kaloob ng Banal na Espiritu ay paanyayang gamitin ang mga ito nang may pagpapakumbaba, wastong pagkilatis, at malasakit sa kapwa.
“Charismatic persons are not necessarily saintly persons, although saintly persons may often exercise the charisms of the Holy Spirit,” paliwanag ni Fr. Pastor.
Hinimok din ni Fr. Pastor ang mga parokya at ang pamayanan na ituon ang kanilang mga gawain sa paghubog ng mga alagad ni Kristo na handang makibahagi sa misyon ng Simbahan.
“Every church, every community, every Basic Ecclesial Community, and every parish should be a disciple-making community,” aniya.
Samantala, nagpasalamat si Fe Barino, national coordinator ng CHARIS Philippines, sa mga dumalo sa pagtitipon sa kabila ng pagiging abala sa kanilang mga tungkulin, na nagpapakita ng kanilang kahandaang makibahagi sa misyon sa pamamagitan ng charismatic renewal.
“You have taken time away from your pastoral responsibilities, ministries, and families to join us for these three days, and we deeply appreciate your presence,” ayon kay Barino.
Binigyang-diin sa pagtitipon na dinaluhan ng 165 delegado na binubuo ng mga obispo, pari, relihiyoso, at mga layko ang pangangailangang muling tuklasin at isabuhay ang mga kaloob ng Espiritu Santo bilang bahagi ng panawagan sa mga mananampalataya na maging aktibong katuwang sa pagpapalago ng Simbahan at sa pagpapalaganap ng pag-ibig ng Diyos sa mundo.
“The more charismatic the Church becomes, the more faithfully she can fulfill her calling as the sign, expression, instrument, and channel of God’s saving love in the world today,” saad pa ni Fr. Pastor.




