23,995 total reads
Hinimok ni Talibon Bishop Patrick Daniel Parcon ang mga mananampalataya ng diyosesis na isalin sa konkretong pagkilos ang mga napagkasunduan sa kanilang First Diocesan Synod, sa halip na manatili lamang sa mga dokumento at rekomendasyon ang mga repormang nais ipatupad sa Simbahan.
Sa kanyang homiliya sa concluding Mass ng limang araw na sinodo noong October 23 sa Talibon Cathedral, binigyang-diin ng obispo na kailangang maging malinaw ang pangako ng bawat isa na isabuhay ang mga naging bunga ng sama-samang pagninilay at pakikinig ng diyosesis.
“Our synod cannot be another beautiful document that stays in a drawer. We must settle it on the way. Today, commit now,” pahayag ni Bishop Parcon.
Kabilang sa mga pangunahing direksiyon ng diyosesis ang pagpapalakas ng Basic Ecclesial Communities o BECs, pagpapalawak ng pakikilahok ng mga layko, at higit na pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap at mga nasa laylayan ng lipunan.
Binigyang-diin din ng obispo ang kahalagahan ng mas malawak na pagtutulungan ng mga pari at layko, gayundin ang pagbibigay-halaga sa personal na paggabay at pakikilakbay sa mga mananampalataya.
“It is time to move from maintenance to mission, from clericalism to collaboration, and from programs to accompaniment,” ani Bishop Parcon.
Ayon sa obispo, ipinamalas din ng mga talakayan sa sinodo na nais ng mga layko na magkaroon ng mas makabuluhang papel sa buhay at misyon ng Simbahan.
“We read that our lay faithful no longer want to be just volunteers. They want to be co-responsible disciples, collaborators in our mission,” dagdag pa ng obispo.
Umaasa si Bishop Parcon na maisabuhay ng buong diyosesis ang mga napagkasunduan sa pamamagitan ng isang Simbahang sinodal na marunong makinig, nakikipagtulungan sa mga mananampalataya, at kumikilos upang tugunan ang mga pangangailangan ng sambayanan.
Dinaluhan ng 220 delegado, kabilang ang mga pari, relihiyoso at mga layko, ang kauna-unahang Diocesan Synod ng Talibon na ginanap mula October 19 hanggang 23.
Isinagawa ang pagtitipon kasabay ng pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng diyosesis ngayong taon.




