992 total reads
Itinatakda ni Pope Leo XIV ang gampanin ng pamayanan sa pangangalaga sa mga maysakit bilang tema ng pagdiriwang ng 2027 World Day of the Sick sa Pebrero 11.
Ayon sa Vatican, ang tema ay The Role of the Community in Caring for Every Person o tungkulin ng komunidad sa pangangalaga sa bawat tao.
“Like the friends of the paralytic, parishes and Christian communities are called to assume the responsibility of caring for those who are alone, the elderly and those who suffer, creating spaces of closeness and of hope,” ayon sa inilabas na pahayag.
Nakabatay ang tema sa kuwento sa Ebanghelyo tungkol sa pagpapagaling ni Hesus sa isang paralitiko na ibinaba ng kanyang mga kaibigan mula sa bubong upang mailapit sa Panginoon.
Binigyang-diin ng Dicastery for Promoting Integral Human Development na tungkulin ng bawat isa ang magmahal at magmalasakit sa kapwa, lalo na sa mga maysakit, matatanda at mga taong nag-iisa.
Hinikayat din ang mga parokya at pamayanang Kristiyano na maging katuwang sa pag-aalaga sa mga nangangailangan at magbigay sa kanila ng pag-asa at kalinga.
Kasabay ng pagdiriwang sa 2027 ang paggunita sa ika-35 taon mula nang itatag ni Saint John Paul II ang World Day of the Sick.
Taun-taon itong ipinagdiriwang tuwing Pebrero 11, kasabay ng kapistahan ng Our Lady of Lourdes.




