4,568 total reads
Ipinag-utos ng Archdiocese of Manila na isama sa mga Misa sa lahat ng parokya at komunidad ang natatanging panalangin para sa pag-ulan sa harap ng banta ng matinding El Niño na maaaring magdulot ng matagal na tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig.
Sa Circular No. 2026-104 na inilabas noong Nobyembre 5, iniatas ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa lahat ng parokya sa arkidiyosesis ang pagdarasal ng Oratio Imperata ad Petendam Pluviam o espesyal na panalangin para sa paghingi ng ulan sa bawat araw na pagdiriwang ng Banal na Misa.
Magsisimula ang pagdarasal sa Nobyembre 8, Linggo, pagkatapos ng panalangin kasunod ng Komunyon sa bawat Misa, at magpapatuloy hanggang maglabas ng panibagong direktiba ang Arsobispo.
Ayon kay Cardinal Advincula, mahalagang magkaisa sa panalangin ang mga mananampalataya upang hilingin sa Diyos ang ulan at ang Kanyang paggabay sa gitna ng posibleng epekto ng El Niño.
Hinimok din ni Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na isaalang-alang sa kanilang mga panalangin ang mga mahihirap at higit na nanganganib na komunidad na posibleng dumanas ng matinding epekto ng tagtuyot at kakulangan sa tubig.
Hinikayat rin ng Arsobispo ang mga pari, katekista, religious educators at mga tagapagtaguyod ng pagpapalalim ng pananampalataya na ituro sa mga mananampalataya ang pananagutang pangalagaan ang kalikasan. Binigyang-diin ng cardinal na hindi lamang likas na yaman na maaaring gamitin ang kapaligiran kundi isang mahalagang handog ng Diyos na ipinagkatiwala sa pangangalaga ng tao.
“Water is essential to all life and must never be taken for granted,” ayon kay Cardinal Advincula. Binigyang-diin din ni CArdinal Advincula na dapat humantong sa pagkilos ang panalangin, kabilang ang pagtitipid sa tubig, responsableng paggamit nito at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng lahat.
“Let our prayers move us to concrete action,” panawagan ng Arsobispo. Hinimok din ng arsobsipoang mga mananampalataya na maging mabuting katiwala ng sangnilikha at ituring ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan bilang pagpapahayag ng pagmamahal sa Diyos at kapwa.




