2,121 total reads
Kinuwestiyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-NCR Union ang Executive Order No. 130 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbibigay sa mga school head ng kapangyarihang magpasya sa pagsususpinde ng klase kapag may kalamidad o banta sa kaligtasan.
Iginiit ng grupo na dapat manatili sa mga lokal na pamahalaan ang pangunahing pagpapasya sa suspensyon ng klase, batay sa mga babala sa panahon at aktuwal na sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas, sinabi ni ACT-NCR Union Executive Vice President Roel Mape na hindi dapat ipasa sa mga punong-guro ang responsibilidad ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga paaralan.
“Kung ipinapasa ng gobyerno ‘yung kanyang mandato na protektahan ‘yung pagpapatakbo sa kanyang department, inaasa sa school principal ito,” ani Mape.
Dagdag niya, dapat ang mga lokal na pamahalaan ang magtakda ng suspensyon batay sa mga weather forecast at aktuwal na sitwasyon upang maiwasan ang mabagal at magkakaibang desisyon sa bawat lugar.
Gayunman, nilinaw ni Mape na hindi rin nais ng mga guro ang madalas na pagsususpinde ng klase dahil sila rin ang nahihirapang humabol sa mga aralin.
“Una sa lahat, kasi ‘yung teacher ang nahihirapan mag-habol ng lesson. Lalo na kapag ang hirap mag-habol, kapag nag-habol ka, wala nang quality education,” paliwanag niya.
Kinuwestiyon din ni Mape ang kakulangan ng mga permanenteng punong-guro sa maraming pampublikong paaralan. Aniya, may mga paaralang assistant o officer-in-charge lamang ang namamahala at kailangang umako sa mahahalagang desisyon.
172,000 laptops
Samantala, binatikos din ng grupo ang limitadong bilang ng laptop na ipamamahagi ng Department of Education (DepEd) kumpara sa dami ng mga pampublikong guro.
Ayon kay Mape, halos 900-libong guro sa pampublikong paaralan ang nangangailangan ng kagamitan, ngunit mahigit 172-libo lamang na laptop ang ipamamahagi.
“Nakakalungkot kasi nearly 900,000 ‘yung public school teachers natin, pero ang ipinamigay na laptop ay 172,000 and plus. Ibig sabihin, parang isa sa bawat eskuwelahan ang makakatanggap. So, paano po ‘yun? Raffle para sino ‘yung mapalad na mabibigyan?” ani Mape.
Para sa ACT-NCR, hindi sapat ang naturang programa habang maraming guro ang napipilitang bumili o mangutang para magkaroon ng sariling laptop.
“Welcome namin ‘to kung lahat ng teachers dapat ay mabibigyan ng sariling laptop,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Mape na dapat unahin ng DepEd ang pagkuha ng karagdagang mga guro at school head, lalo na sa gitna ng siksikang mga silid-aralan at kawalan umano ng sapat na pondo para sa hiring sa 2027.
Sa pananaw ng Simbahan, bahagi ng pagsusulong ng kabutihang panlahat ang pagtiyak sa ligtas at de-kalidad na edukasyon, gayundin ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga guro at mag-aaral.




