2,178 total reads
Itinuturing ng Manila Police District na generally peaceful ang paggunita ng Undas 2026 sa apat na pangunahing sementeryo sa Maynila, kung saan umabot sa halos 2.7 milyon ang mga dumalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Police Major PMAJ. Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD, na kabilang sa mga binantayan ng pulisya ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, La Loma Cemetery at Chinese Cemetery.
Pinakamarami ang naitala sa Manila North Cemetery na umabot sa mahigit 2.2 milyon na mga dumalaw mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, 2026.
“Hindi lamang po ‘yung mga taga-Lungsod ng Maynila kundi ‘yung mga karatig-probinsya natin, karatig-siyudad na napakarami pong tao, pero nakita po natin na naging maayos po ‘yung paggalat natin ng seguridad.” Bahagi ng pahayag ni Ines sa Radyo Veritas.
Ayon kay Ines, nasa 1,500 MPD personnel ang itinalaga hindi lamang sa mga sementeryo kundi maging sa mga terminal, transport areas at iba pang places of convergence.
Binigyang-diin ng opisyal na naging mahalaga sa maayos na paggunita ng Undas ang mahabang paghahanda at koordinasyon ng pulisya at lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga ginamit na security measures ang plain-clothes police officers na nakahalo sa mga tao at aerial patrol gamit ang mga drone.
“Ito nga po ‘yung bunga ng magandang koordinasyon, mahabang preparasyon at hindi po natin ‘yung pagpapagal natin dito.” Dagdag pa ni Ines.
Samantala, sinabi rin ng MPD na walang nakumpiskang baril, matatalim na bagay, illegal drugs at alak sa apat na sementeryong kanilang binantayan.
“Dito po sa atin sa mga binabantayan nating himlayan… wala po tayong mga nakumpiska ng mga tinatawag nating illegal per se katulad po ng mga baril, matalas, illegal drugs at ‘yung mga likor po.” Ani Ines.
Ayon kay Ines, mas kaunti rin ang mga taong naharang dahil sa pagdadala ng mga bagay na hindi pinapayagan sa loob ng mga sementeryo, na aniya ay nagpapakita ng pagtugon ng publiko sa mga paalala ng mga awtoridad.
Sa pananaw ng Simbahan, mahalaga rin ang maayos at mapayapang paggunita ng Undas upang mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na manalangin at alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, kung saan ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kaligtasan sa mga pampublikong lugar ay bahagi rin ng sama-samang pananagutan upang maipakita ang paggalang sa dignidad ng bawat tao at sa banal na paggunita ng mga yumao.




