489 total views
Ayon sa World Bank, winasak ng COVID 19 ang katiyakan ng mga mamamayan sa magandang ekonomiya, sa kalusugan, at sa pagkain. Tinulak nito ang mahigit pa sa 150 milyong katao sa extreme poverty o sukdulang kahirapan.
Sa ating bansa, kapanalig, mas dumami rin ang naghihirap. Negative ang ating growth rate nitong nakaraang 2020 – nasa -9.5%. Katambal din ito ng mataas na inflation rate nuong Disyembre 2020, na umabot ng 3.5%. Tumaas ang bilihin at marami ang nawalan ng trabaho. Katumbas nito, kapanalig, ay gutom para sa maraming mga Filipino. Base sa datos ng SWS, 7.6 milyong Filipino ang nakaranas ng gutom nitong nakarang taon, particular sa loob ng Hunyo hanggang Agosto.
Ang gutom at kahirapang ito ay kailangang nating harapin. Ang mga suliraning ito ay kailangan nating unahin.
Ayon sa World Bank, ang unang dapat tiyakin ng mga ekonomiya ay ang katiyakan sa pagkain. Naka-apekto ng lubha ang mga lockdown sa buong mundo sa food supply sa maraming lugar. Ang import at export, naapektuhan din, maski ang local transport ng pagkain. Sa ating bansa, ang African Swine Fever ay naka-dagdag pa sa problema ng daloy ng pagkain. Hindi lamang nagkulang ang supply dahil dito, nagtaasan pa ang presyo. Importante na maprayoridad ng mga bansa ang malayang daloy ng pagkain mula sa produksyon, merkado, hanggang sa tao.
Isa pang kailangan tingnan ng bansang gaya natin ay ang trabaho at social protection. Kapanalig, napakarami ang nawalan ng trabaho nitong nakaraang taon. Ang kawalan ng trabaho ay magtu-tuloy pa ngayong taon kung hindi natin maibabalik agad ang sigla ng ating ekonomiya. Sa gitna ng kawalan ng trabaho naging matingkad ang isang pagkukulang – ang kahinaan ng ating social protection.
Sa ibang bansa, may unemployment benefits ang mga nawalan ng trabaho. Kaya kahit papaano, may kaunti silang nadudukot sa panahon na nawalan sila ng kita. Sa ating bansa, dahil karamihan sa atin ay mga informal workers, nung nawalan na ng trabaho, wala na ibang mapuntahan, walang wala talagang kita.
Hindi na dapat mangyari ang malalim na pagbagsak ng ekonomiya at malawakang kawalan ng trabaho kapag may krisis na dumaan sa bayan. Kapanalig, hindi lamang tayo dapat maging resilient pagdating ng sakuna, kailangan nating maging resilient sa kahit anumang problema. Ang estado, ang ating pamahalaan, ang dapat manguna sa gawaing ito. Ayon nga sa Rerum Novarum, ang pangunahing tungkulin ng mga pinuno ng estado ay ang pagtitiyak ng kapakanan at kaunlaran ng mga mamamayan.
Ang nararanasan na gutom at kahirapan ng maraming mamamayan ngayong pandemya ay sana matapos na at hindi na maulit pa. At nawa’y maihanda natin ang ating bayan at maprotektahan ang mga mamamayan sa anumang sakunang darating pa sa hinaharap.
Sumainyo ang Katotohanan.