1,444 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang buwan, may kumalat na post sa Facebook na nagsasabing: “I am ready for martial law.” Ayon sa post na ito, sobra na raw ang demokrasya sa ating bansa. Ipagkatiwala na lang daw natin sa pangulo ang pagpapasiya sa kung ano ang nararapat.
Sobra na nga ba ang demokrasya sa ating bansa?
Mahalagang sangkap ng demokrasya ang pakikilahok ng mga tao sa lipunan sa isang makahulugang paraan—hindi sa pamamagitan ng paghalal ng isang pinuno na gagawa ng lahat ng desisyon para sa kanila, kundi sa patuloy na pakikibahagi sa pagpapasya tungkol sa pamamalakad at patutunguhan ng lipunan.
Isang pamamaraan ng pakikilahok ang malayang talakayan. Dito maihahayag ng mga tao ang sariling kuru-kuro at pananaw tungkol sa dapat gawin ng pamahalaan at taumbayan sa ikabubuti ng nakararami. Ang malayang talayakan ay nakabatay sa karapatan ng malayang pananalita. Ang karapatang ito ay kinikilala ng Gaudium et Spes, isang dokumento ng Second Vatican Council at bahagi ng kataruang panlipunan ng ating Simbahan, bilang kondisyon sa aktibong pakikikibahagi ng taumbayan sa buhay at pamamahala ng estado.
Sipatin nga natin, mga Kapanalig, ang kalagayan ng malayang pananalita sa ating bansa ngayon.
Tunay ngang buhay pa rin ang malayang pananalita sa ating lipunan, lalung-lalo na sa mass at social media. Ngunit kapansin-pansin ang panggigipit na nangyayari ngayon sa mga naghahayag ng hindi pagsang-ayon sa ilang panukala o pamamalakad ng pamahalaan.
Ang panggigipit ay nanggagaling hindi lamang sa ilang opisyal ng pamahalaan, kundi sa mga pangkaraniwang mamamayan. Magsabi kayo ng opinyong taliwas sa patakaran ng pamahalaan ay aani kayo mula sa mga taong hindi ninyo kilalá (at hindi kayo kilalá) ng insulto at paratang na wala namang batayan sa katwiran. Nariyang sasabihan kayong “bobo”, “bayaran”, “dilawan”, “kriminal”, “kasabwat ng drug lord”, o kalaban ng pagbabago, “enemies of change.” Minsan nauuwi pa sa mararahas na mga banta—dahil tila ba nauuso na sa ating lipunan ang mararahas na banta. Bakit kaya? Dahil dito, marami nang natatakot maghayag ng opinyong kritikal at kumikuwestyon sa anumang palakad ng pamahalaan.
Marahil ipagtatanggol ng mga nang-iinsulto, nag-aakusa, at nagbabanta ang ganitong panggigipit bilang karapatan nila sa malayang pananalita. Ngunit hindi demokratiko ang paggamit ng malayang pananalita kung ang pakay nito ay kitilin ang malayang pananalita ng mga taong may iba at kasalungat na pagtingin. Lalo itong hindi demokratiko kapag nauuwi sa mararahas na banta. Sabi nga ng peace activist na si Johan Galtung: ang mararahas na banta, hindi man tuparin, ay karahasan pa rin. Hindi paraang demokratiko ang paggamit ng karahasan upang maresolba ang pagkakaiba ng pananaw.
Kung laganap sa ating lipunan ang ganitong panggigipit, masasabi kayang sobra ang demokrasya sa ating bansa?
Hindi tunay ang demokrasya kung iisa ang opinyong umiiral rito at walang tumututol. Kailangang hayaang maihayag ang iba’t ibang pananaw at maipagtanggol ito sa pamamagitan ng katwiran at ebidensya, hindi sa pamamagitan ng pang-iinsulto, demonisasyon, at pananakot.
Ang panggigipit sa mga taong may ibang pananaw—magmula man sa pamahalaan o sa pangkaraniwang tao—ay isang paraan ng pagpatay sa demokrasya. Hindi kailangan ng batas militar para patayin ang demokrasya. Upang mamatay ang demokrasya, kailangan lang na pairalin ang iisang pananaw sa pamamagitan ng pambu-bully at pagbabanta sa may ibang pananaw, at kailangan lang na ang binu-bully at binabantaan ay tumahimik.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang mga opisyal ng pamahalaan at ang ating mga sarili, na nawa’y ang maging tugon natin sa naiibang pananaw ay ang pakikinig at pagiging bukás na umunawa at mangatwiran—hindi ang pang-iinsulto o pagbabanta. Ipagdasal rin nating patuloy tayong bigyan ng Panginoon ng katapangang tumutol sa mga patakaran ng pamahalaang hindi naaayon sa Kanyang mga batas.
Ngayong ika-40 taóng anibersaryo ng batas militar, ipagdasal rin nating patuloy na mabuhay ang ating demokrasya, at ang malayang talakayang nakabatay sa malayang pananalita.
Sumainyo ang katotohanan.