149 total views
Hindi nawawala ang diwa ng EDSA People Power l sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, kundi ang nawawala ngayon ay ang pagtitiwala sa Diyos.
Ito ang naging pahayag ni CBCP – Permanent Comittee on Public Affairs chairman at Lipa Archbishop Ramon Arguelles kaugnay sa tuluyang ng paghihimlay sa dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani.
Iginiit ni Archbishop Arguelles sa mga mananampalataya na kung tunay na nangingibabaw ang kanilang pananalig sa Diyos ay tatanggapin na nila ang naging desisyon na mailibing ang dating diktador dahil mahalaga na ang katawan ng yumao ay mabigyan na ng kapayapaan.
“Sabi raw na wala na yung spirit of EDSA ako hindi nawawala iyan, pero ang pagtitiwala sa Diyos ang nawawala. Kung tayo ay maka – Diyos kahit na iyan ay diktador basta patay na iyan. Pagdasal natin ang kaluluwa niya ang katawan niya igalang natin. Nagkasala siya, kailangan hindi natin sasabihin na mabuti ang ginawa niya pero pero huwag naman natin siyang kamuhian ngayong patay na siya,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Paliwanag pa ni Archbishop Arguelles, nauunawaan nitong maraming naging biktima ng naturang diktaturya ngunit mas mainam na ipagdasal na lamang ang kaluluwa ng dating pangulo at matuto sa nakaraan na hindi na muli pang maganap ang trahedya ng nakaraan.
Pinaalalahanan rin nito ang taumbayan na patuloy na mahalin ang demokrasyang nakamtan upang hindi na maulit pa sa kasalukuyan sa panunugkulan ng bagong Pangulo ang diktaturyang sumira sa kasarinlan ng bansa.
“Nagmukhang bayani yang Mamang iyan dahil yung mga sumunod sa kanya ay hindi naman bayani. Kaya muntik ng nanalo iyong kanyang anak dahil sa galit na pumalit sa kanya. Kaya naboto itong presidente na kaibigan naman ng dating diktador, isa pang gustong maging diktador. Paano napakasama ng ginagawa natin sa kalayaan na ipinaglaban ng natin. Yun ang mahirap, sa akin we get what we deserved. Because we dont try our best na talagang i – value yung freedom na ipinaglaban natin,” paglilinaw pa ni Archbishop Arguelles sa Raddyo Veritas.
Nabatid na ang naturang 103 hektaryang sementeryo kung saan ngayon inihimlay si dating Pangulong Marcos sa Taguig City ay himlayan ng mahigit 49,000 mga sundalong Pilipino, mambabatas, bayani at martir.
Sa katuruang ng Simbahang Katolika mahalagang mailibing na ang katawan ng isang yumaong pumanaw.
Gayunman nauna na ring nagpahayag ng pagkadismaya si CBCP – President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na binalewala na lamang ang diwa ng EDSA sa naging desisyon ng Korte Suprema na mailibing sa Heroes Cemtery ang datinbg diktador.
Ngayong tanghali isang ‘military burial’ ang ibinigay kay Marcos sa LNMB kung saan naging bantay-sarado ng militar at pulisya ang seguridad dahil na rin sa mga nagpo-protesta.