56,495 total views
Mga Kapanalig, nakasaad sa Galacia 6:2, “magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa.”
Sa kabila ng krisis na kinahaharap ng ating bansa ngayon dahil sa gulo sa Middle East, masasabi nating buháy ang diwa ng bayanihan. Hindi ito kayang agawin ng kahirapan. Hindi ito kayang patayin ng pagod. Lalong hindi ito mawawala sa gitna ng tumitinding pagsubok.
Halos limang taon matapos unang umusbong ang mga community pantry bilang tugon sa hirap ng buhay na dala ng pandemya, nagbabalik ang mga ito sa gitna ng panibagong krisis dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Nakatuon ngayon ang mga ito sa pagtulong sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan na halos wala nang maiuwing kita para sa kanilang pamilya dahil na rin sa malaking gastos sa pamamasada.
Dito sa Quezon City, muling binuhay ni Ana Patricia Non ang community pantry na naglalaman ng mga pagkaing katulad ng gulay, delata, at bigas. Nakapaskil sa community pantry ang paalalang, “laban ng drayber, laban ng komyuter.” Gaya noon, may hiling din sa mga tumatanggap ng tulong, “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan.”
Agad na dinagsa ng mga tsuper ang community pantry. Sa loob lamang ng dalawang oras sa unang araw nito, halos maubos ang laman ng pantry. Agad din namang dumagsa ang mga nagbigay ng donasyon, at unti-unting nagsulputan ang kaparehong inisyatibo sa iba’t ibang lugar.
Kahanga-hanga talaga ang mga nasa likod ng community pantry. Ipinakikita nila ang likas na kabutihan at bayanihan ng mga Pilipino sa oras ng pangangailangan. Higit pa sa mga materyal na ambag, kahanga-hanga na ang mga ordinaryong Pilipino—ang pinakaapektado at pinakanahihirapan—ang silang kusang kumikilos at buong-pusong tumutulong sa kanilang kapwa.
Pero hindi ito dahilan para hindi na natin hanapan ng solusyon ang gobyerno. Tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang sapat na suportang natatanggap ng mga pinakaapektado ng krisis. Sa ngayon, nakadidismayang mabagal at kulang ang tugon ng gobyerno. Panandalian ang mga solusyong iniaalok nito gaya ng ayudang ilang araw lang ang itatagal. Kung ang karaniwang mamamayan ay kayang kumilos sa gitna ng kakulangan, lalong higit na inaasahan ang mas maagap at sapat na tugon mula sa mga nangangasiwa ng pera ng bayan.
Dalawang beses nang umusbong ang community pantry bilang tugon sa dalawang magkaibang krisis, at sa parehong pagkakataon, mas nakikita natin ang kakulangan ng sapat at agarang aksyon mula sa gobyerno.
Ang community pantry, kung gayon, ay hindi na lamang simpleng pagtulong, kundi panawagan sa pamahalaan na dapat pa nitong higitan at pagbutihin ang ginagawa nito para sa mga mamamayan tuwing may krisis. Bagamat magandang nagkukusa ang mga taong magtulungan, dapat mahiya ang pamahalaan dahil sinasalamin ng mga community pantry ang kakulangan ng tulong mula sa mga dapat magsulong ng kapakanan ng mga mamamayan. Dagdag pa rito, ang suportang hinihingi ng mga apektado ng krisis—gaya ng mga tsuper—ay hindi pabor, kundi karapatang dapat maibigay.
Binibigyang-diin sa Fratelli Tutti na ang pagkalinga sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan, ay naisasabuhay sa paglilingkod. Ang malasakit na ipinakikita ng mamamayan sa pamamagitan ng community pantry ay patunay na kayang maisakatuparan ang paglilingkod na ito, pero sana’y maisabuhay din ito sa mas malawak na antas, lalo na ng mga nasa kapangyarihan.
Mga Kapanalig, ang muling pagbabalik ng community pantry ay parehong paalala at pag-asa–paalala na may mga puwang na dapat punan, at pag-asa na hindi kailanman mauubos ang malasakit ng Pilipino. Nawa’y magsilbi itong mitsa upang manawagan tayo ng mas makatarungan, maagap, at makataong pamamahala. Ang tunay na bayanihan ay hindi lamang nasusukat sa pagtutulungan ng mga mamamayan, kundi sa isang lipunang walang pinababayaan.
Sumainyo ang katotohanan.






