8,547 total views
3rd Sunday of Advent Cycle C
Gaudete Sunday
Zeph 3:14-18 Phil 4:4-7 Lk 3:10-18
“Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion. Sumigaw ka, Israel. Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem.” Iyan ang pahayag ni propeta Sofonias. Ang salitang Lungsod ng Sion at Lungsod ng Jerusalem ay iisa lang ang kahulugan. Ang Sion ay ang lumang pangalan ng Jerusalem. Ang Lungsod ng Sion, Lungsod ng Jerusalem at Israel ay tumutukoy sa mga taong naniniwala sa Diyos. Magsaya sila! Ganito din ang sinulat ni San Pablo: “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko magalak kayo!” Dahil sa mga panawagang ito ng mga pagbasa natin, ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento ay kilala na Gaudete Sunday. Ang salitang Gaudete sa wikang Latin ay nangangahulugan: “Magsaya kaya!” Ito rin ang hinihingi natin sa pambungad na panalangin sa misang ito: “Pasapitin mo kami, O Diyos Ama, sa kagalakang dulot ng pagtubos ng Panginoong darating at pasiglahin mo kami sa pagpapasalamat sa iyong kaloob.”
Ang dahilan ng kagalakan natin ay ang Panginoon. Malapit na siyang dumating. Nandito na nga siya. Kaya sinabi ni propeta Sofonias: “Huwag kang matakot; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos… babaguhin ka ng kanyang pag-ibig.” Kaya sinabi ni San Pablo: “Huwag kang mabalisa sa anumang bagay. Sa halip ay hingin mo sa Diyos ang lahat ng iyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.” Lakipan natin ang ating panalangin ng pasasalamat kasi hindi tayo kalilimutan ng Diyos. Pagbibigyan niya tayo dahil mahal niya tayo. Oo nga, mahal tayo ng Diyos na darating kaya magalak tayo!
Kakaiba ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos kaysa pinapaabot sa atin ng mundo. Ang mga advertisement na pinapakita sa atin sa mga araw na ito ay mga taong masasaya. Naghahalakhakan sila. Natutuwa sila. Masaya sila kasi nakakakain sila produktong inaadvertise – tulad ng McDonalds o Jollibee. Masaya sila kasi nakasuot sila ng damit na pinagbibili. Tuwang-tuwa sila dahil ginamit nila ang isang klaseng sabon. Kailangan natin ng pera para makuha ang mga ito – ang pagkain, ang damit, ang sabon. Kaya pumapasok sa ating isip na ang pera ang nakakapasaya sa atin. Kaya masaya tayo sa bonus na ating tinanggap. Nagagalak tayo sa mga pa-raffle ng mga politiko sa kanilang mga meetings. Mababaw ang ganitong kasiyahan at ang mga ito ay hindi para sa lahat. Hindi naman lahat nananalo sa raffle. Hindi naman lahat may bonus. Hindi naman lahat nakakabili ng pagkain o mga bagay bagay.
Iba ang saya at kagalakan ng adbiyento. Ito ay para sa lahat kasi ang lahat ay makakatanggap sa Panginoon, kung gugustuhin lang nila. Darating siya para sa lahat.
Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang ganitong kagalakan na dala ng manliligtas na darating? Ito ang tanong ng mga tao kay Juan Bautista: “Ano po ang dapat naming gawin?” Ang tugon ni Juan ay mag-share, magbahagi. Magbahagi ng iyong damit, magbahagi ng inyong pagkain, magbahagi ng iyong laruan. Sa maiksing salita, magbahagi ng mayroon ka. Nagiging masaya tayo kapag tayo ay nagbabahagi. Kaya nga sinabi ng Panginoong Jesus: “It is more blessed to give than to receive.” Mas masaya tayo kapag tayo ay nagbibigay kaysa tayo ay tumatanggap. Noong ako ay nasa Maynila, nakatira ako sa isang simbahan sa Tondo. Isang panahon ng adbiyento, pinatawag ko ang mga taong natutulog lamang sa kalye na kilala ko. Nagkwentuhan kami. Kumain ng kaunti at binigyan ko sila ng pera bilang pamasko. Masayang masaya sila. Nakita ko ito sa tawanan nila at sa kanilang mukha. Pero hindi nila alam, ako ang mas masaya, kasi naka-share ako ng blessing sa kanila. Totoo nga, mas masaya ang magbigay kaysa tumanggap.
Dumating naman ang mga may katungkulan sa lipunan noong panahon ng mga Hudyo, tulad ng mga naniningil ng buwis, ang mga publikano, at ang mga kawal o kung sa atin pa, ang mga pulis. “Ano naman ang dapat naming gawin?” ang tanong nila. Ang sagot ni Jesus ay maging makatarungan kayo. Huwag ninyong gamitin ang iyong katungkulan upang apihin ang iba. Sapat lang na buwis ang inyong sisingilin. Makontento kayo sa iyong sahod at huwag mamilit o manakot o mangurakot at magparatang sa ibang tao ng hindi totoo. Hindi lang charity, o pagtulong sa kapwa ang nagpapasaya sa atin. Nagpapasaya din sa atin kung ginagawa natin ang ating katungkulan at hindi tayo nagmamalabis kasi may kapangyarihan tayo sa iba. Be just. Maging matuwid tayo.
Para naman kay Juan mismo, ano ang ginawa niya? Napakagaling ni Juan sa kanyang pagpahayag. Makapangyarihan ang kanyang salita at maraming mga tao ang hangang-hanga sa kanya. Pinupuntahan siya ng mga tao kahit siya ay nasa disyerto. Sumusunod ang mga tao sa kanya kaya marami ang lumulusong sa ilog Jordan upang magpabinyag. Kasama na doon si Jesus na taga-Nazaret. Kaya ang buong akala ng marami, siya na ang ipinangako ng Diyos na darating na magliligtas sa kanila. Matapang siyang magsalita. Ulupong o ahas ang tawag niya sa mga taong lumalapit na kanya na hindi nagsisisi at nagkukunwari lamang. Talagang maka-Diyos siya. Malakas ang kanyang pagtitimpi sa sarili na ang pagkain niya ay ang makukuha lang sa diyerto tulad ng pulot at mga insekto. Ang damit niya ay magaspang na balat ng hayop. Handa na siyang tanggapin ng mga tao na siya na ang Kristo. Pero makatotohanan at mapagkumbaba si Juan. Hindi siya ang pinadala ng Diyos. Tagapanguna lang siya. Mas dakila ang darating. Hindi nga siya karapat dapat na magbitbit ng kanyang sandalyas. Mapagkumbaba si Juan. Hindi niya pinagsamantalahan ang maling akala ng mga tao.
To summarize, ano ang dapat nating gawin upang mapasaatin ang kagalakan ng panahon ng Adbiyento? Sharing. Justice. Truthfulness. Magbahagi tayo ng mayroon tayo. Huwag gamitin ang anumang posisyon natin upang pagsamantalahan ang iba. Maging totoo tayo sa ating sarili at huwag magpadala sa anumang survey o public opinion. Malapit nang dumating ang Panginoon. Malapit na ang Pasko. Siyam na araw na lang at pasko na. Hindi man natin alam kung kailan darating muli ang Panginoon, pero ito ay malapit na kaysa ating inaakala. Dahil sa ang Diyos ay nasa piling na natin sa mga grasya na binibigay ng simbahan – magalak tayo. Uulitin ko, maging masaya tayo sa ating pag-aabang!