18,818 total views
7th Sunday of Ordinary Time Cycle C
St Peter the Apostle Sunday (Opus Sancti Petri)
1 Sam 26:2.7-9.12-13.22-23 1 Cor 15:45-49 Lk 6:27-38
Ang lahat ng relihiyon ay nangangaral tungkol sa pag-ibig. Mag-ibigan kayo! Sinasabi ito ng lahat ng relihiyon. Sa ating mga Kristiyano hindi lang tayo hinihikayat na umibig, sinasabi pa sa atin na ang pagmamahal ay ang sentro ng ating pagkakristiyano. Ang pag-ibig ay hindi lang isa sa mga katuruan ni Kristo. Ito ang pinakasentro ng ating pagiging pagtulad kay Kristo. Sinabi ni Jesus na makikilala tayo na mga alagad niya sa ating pag-iibigan sa isa’t-isa.
Oo, dapat nating mahalin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Kailangan ang dalawang ito, pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Sa totoo lang, hindi natin maaaring mahalin ang Diyos na hindi natin nakikita na hindi natin minamahal ang ating kapwa na ating nakikita.
Ang binibigyan ng pansin sa mga pagbasa natin ay ang pag-ibig sa kapwa. Hindi lang sapat na mahalin ang kapwa na kamag-anak natin, ang kapwa na mabait, ang kapwa na tumutulong sa atin. Ginagawa naman ito ng lahat. Ganoon na lang ang pag-ibig natin sa kapwa na pati na ang kapwa na ayaw natin, ang kapwa na kaaway natin, ang kapwa na gumagawa ng masama sa atin ay kailangan din nating mahalin. Paano ito? Paano natin ito gagawin?
Minamahal natin ang ating kaaway kung hindi tayo gumaganti sa kanya; kung ang kasamaan na ginagawa niya ay hindi natin binabalik sa kanya. Sundin natin ang halimbawa ni David sa ating unang pagbasa. Siya ay inuusig ni haring Saul. Talagang gusto siyang hulihin at patayin. Ginamit ni Saul ang tatlumpung libong kawal niya upang patayin si David. Si Saul noon ay nakikipagdigma sa mga Pilisteo. Pero sa halip na gamitin ang kanyang mga sundalo na sugpuin niya ang mga kaaway, ginamit niya ang lahat ng mga tauhan niya upang hanapin at patayin si David. Ganoon siya kagalit kay David! Para sa kanya, mas mapanganib pa si David sa kanyang pagkahari kaysa mga Pilisteo. Nagkaroon ng pagkakataon si David na pasukin ang kampo ni Saul. Natutulog ang lahat sa kanilang kampamento. Napasok sila ni David at ng kasama niyang si Abisai. Nakatarak sa tabi ni Saul ang sibat na kanyang sandata. Ang daling patayin si Saul. Isang tarak lang ng sibat at patay na si Saul. Pero hindi ito ginawa ni David. May pagkakataon siyang maghiganti sa naghahanap ng buhay niya, pero hindi ito ginawa ni David. Ito ay konkretong halimbawa ng pag-ibig sa kaaway – huwag maghiganti.
Pero kung susundin natin ng literal ang sinabi ni Jesus na iharap mo ang kabilang pisngi mo kung sinampal sa isang pisngi, hindi ba parang pinapayagan na lang natin na pagsamantalahan tayo? Hahayaan mo na lang ba na ipagpatuloy ang paggawa ng masama? Mananahimik ka na lang ba habang nangyayari ang masama?
Noong si Jesus ay hinuli at dinala sa harap ng Punong Pari at iniimbistigahan siya, sumagot siya sa Punong Pari na hayagan naman siyang nagsasalita sa templo. Kung ibig nilang malaman ang tinuturo niya, tanungin nila ang mga tao. Nagalit ang isang guardia at sinampal si Jesus. Bakit daw siya sasagot-sagot ng ganyan. Hindi nanahimik si Jesus. Sinabi niya sa guardia na kung mali ang salita niya, ipakita niya ang kanyang pagkakamali, pero kung wala naman siyang mali na sinabi, bakit niya siya sinampal? Hindi si Jesus nanahimik sa harap ng kamalian, pero hindi din siya nakipag-away o nagalit. Sinabi niya sa gumawa ng masama sa kanya ang kanyang mali. Tinuwid ni Jesus ang mali pero hind sa isa paraang palaban o madahas. Maaaring tanggapin natin ang masamang ginawa sa atin pero hindi sa paraan ng paghihiganti.
Mahalin natin ang kaaway. Huwag tayong bumawi sa gumagawa ng masama sa atin, bagkus patawarin natin sila. Ang nagpapatawad ay hindi kumikimkim ng galit. Kapag tayo ay kumikimkim ng galit, bumibigat ang loob natin. Tayo mismo ang nahihirapan. Kinukulong natin ang ating sarili sa ating galit. Sa ating pagpapatawad, pinalalaya natin ang ating sarili sa bigat ng loob. Tayo ang unang nakikinabang kapag tayo ay nagpapatawad.
May nagsasabi, paano ko siya mapapatawad na nasaktan niya ako? Hindi ko nakakalimutan ang kasamaan na ginawa niya sa akin. Iba ang pagpapatawad sa sakit ng loob o sa alaala. Basta hindi ka naghihiganti, basta handa kang gumawa sa kanya ng kabutihan kung may pagkakataon, basta pinagdarasal mo siya, kahit na masakit pa ang damdamin mo – nagpapatawad ka na. Dahan-dahan na humuhupa ang galit mo kung pinagdarasal mo ang nakagawa ng masama sa iyo. Hindi ba sinabi ni Jesus: “Gawan mo ng mabuti ang napopoot sa iyo, pagpalain mo ang sumusumpa sa iyo, idalangin mo ang umaapi sa iyo?” Sa ganitong paraan, mapapawi natin ang galit.
At bakit naman gagawin ko iyan, ang gumawa ng mabuti sa gumagawa ng masama sa akin? Gagawin ko iyan kasi ako ay anak ng Diyos na mahabagin sa masama at sa mabuti. Ang kabutihan ng Diyos ay para sa lahat. Hindi siya pumipili ng kanyang mamahalin. Ang biyaya niya ay dumadating sa mabuti man o sa masama. Kapag sumisikat ang araw ang lahat ay sinisikatan nito, ang nagsisimba at ang hindi nagsisimba. Ganoon din dapat ang pag-ibig natin. Anak tayo ng Diyos. Maging tulad tayo ng ating Ama. Mahalin natin ang lahat, pati na ang kaaway.
Kaya ko ba iyan? Tao lang ako, paano ko matutularan ang Diyos? Oo, kaya natin iyan, dahil sa ibinigay niya ang kanyang Espiritu sa atin. Sa ganang aking sarili lang, hindi ko makakayanan ang magpatawad, lalo sa kaaway. Pero magagawa ko ito dahil sa lakas ng Diyos na binibigay sa akin. Iyan ay ang Espiritu Santo.
Ang pangungusap na ibigin mo ang iyong kaaway ay isang utos. Hindi naman tayo uutusan ng Diyos ng hindi natin magagawa. Masusunod natin ang utos ng Diyos kasi ibinibigay din niya sa atin ang kakayahan na gawin ito. Nasa atin nga ang Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Diyos. The Holy Spirit is the Divine Power that is the gift of the Father to us.
Inutusan tayo na ibigin ang ating kapwa kasi iyan ay makabubuti sa atin. Sa pamamagitan niyan mapagtatagumpayan natin ang anumang poot na nanunuot sa atin.
Ngayong Linggo, ang pinakamalapit na Linggo sa kapistahan ng Luklukan si San Pedro, February 22, ay ang St. Peter the Apostle Sunday. May second collection po sa buong simbahan upang suportahan ang pagpapaaral sa mga seminarista at mga magmamadre lalo na sa mga bansa na mahihirap. Maging generous po tayo sa pagtulong sa mga taong bumabalak na magbigay ng buhay nila sa paglilingkod sa simbahan at sa kanilang kapwa.