237 total views
5th Sunday in Ordinary Time Cycle C
Is 6:1-2.3-8 1 Cor 15:1-11 Lk 5:1-11
Isang salita na madalas gamitin ni Papa Francisco ay ang salitang ENCOUNTER. Ang kahulugan nito ay isang malalim na personal na pakikipagtagpo. In our life we meet a lot of people, but how many do we encounter? Mahalaga ang encounter sa ating panahon ngayon ng digital culture. Marami ay kilala natin virtually. Ilan ang friends natin sa facebook or followers sa tweeter? Maaaring daan-daan iyan o libo-libo pa nga, pero ilan ba diyan ang talagang kilala natin personally at ilan diyan ang na-encounter natin?
Kapag ang isang tao ay talagang na-encounter natin, magbabago ang ating paningin sa kanya o tayo mismo ay magbabago. Ito ay lalong totoo kapag ang na-encounter natin ay ang Diyos mismo. Ang Diyos ay dakila; siya ay banal. Siya ay kaiba kaysa atin. Sa harap niya, tayo ay manliliit at makikita natin na hindi tayo karapat-dapat. Ito ang ipinapahiwatig sa mga pagbasa natin sa araw na ito.
Nagkaroon ng pangitain si propeta Isaias. Nakita niya ang sarili niya sa harap ng trono ng Diyos. Ang dakilang Diyos ay marangal. Puno ng usok ang kanyang trono. Pinapalibutan siya ng mga angel na may anim na pakpak. Sila ay tinatawag na seraphim. Araw at gabi walang sawa silang sumasamba sa banal na Diyos. Sa ganitong encounter sa kadakilaan ng Diyos nasabi ng propeta na hindi siya karapat-dapat kasi siya ay madumi. Ang kadumihan ng kanyang labi ay nagpapahiwatig ng kadumihan ng kanyang pagkatao.
Ito rin ang karanasan ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Ang pinapahayag niya ay ang muling pagkabuhay ni Jesus. Totoo ang muling pagkabuhay na ito. Nagpakita si Jesus kay Pedro, sa labing dalawa, at sa limang-daang mga tao. Sa bandang huli nagpakita din siya kay Pablo. Ito ay nangyari sa daan patungong Damasco. Hindi siya karapat dapat sa pribilehiyong ito kasi inuusig niya ang simbahan pero dahil sa kagandahang loob ng Diyos nakipagpo siya kay Jesus at binago siya ng pagkikipagtagpong ito. Hindi lang sa tumigil na siya sa pag-uusig sa simbahan, siya ngayon ang masigasig nang nagpahayag kay JesuKristo.
Na-encounter din ni Pedro at ng mga kasamahan niya si Jesus. Habang si Jesus ay nagtuturo sa bangka ni Pedro siguro nakikinig din si Pedro at ang mga kasamahan niya habang linilinis nila ang kanilang lambat. Doon na nagsimulang nabuhayan ang loob nila kay Jesus, kaya noong hiniling ni Jesus na pumalaot at ihagis ang lambat, sumunod sila, kahit na ang kahilingang ito ay hindi naaayon sa kanilang karanasan bilang mangingisda. Siguro humaging din sa isip nila: Ano naman ang alam ng karpinterong ito tungkol sa pangingisda? Pero napakaganda ng sinabi ni Pedro: “Dahil sa sinabi mo, ihuhulog ko ang aking lambat.” Itinaya niya ang sarili niya sa Salita ni Jesus – at hindi siya binigo. Doon sila nakahuli ng napakaraming isda na ang dalawang bangka ay halos lumubog. Nakita ni Pedro at ng mga kasama niya na hindi ito pangkaraniwang karanasan. Hindi ito pagkaraniwang tao. Dakila at banal ito kaya nagpatirapa siya at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.”
We see ourselves unworthy in front of an encounter with so great a person. Kaya si Isaias, si Pablo at si Pedro, lahat sila ay nakita ang kanilang kaliitan, ang kanilang pagkamakasalanan sa dakilang Diyos na kanilang na-encounter. Pero hindi sila nanliit na wala na silang ginawa. They were not paralyzed by their experience. They were energized by their encounter. Kaya noong marinig ni Isaias ang tanong ng Diyos: “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Agad sumagot siya: “Narito po ako. Ako ang isugo ninyo.” Sinulat ni San Pablo: “Ako’y di karapat-dapat na tawaging apostol kasi inusig ko ang simbahan… kaya nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila.” At alam natin ang pagpapagal ni Pablo sa pagpunta sa maraming lugar sa Asia at sa Europa upang magtatag ng simbahan. Si Pedro at ang mga kasama niya, nang maitabi na nila ang kanilang bangka, agad iniwan na nila ang lahat at sumunod kay Jesus. May malaking pagbabago sa mga taong nakatagpo ang Panginoon Diyos at naranasan ang kanyang kadakilaa.
Bilang mga Kristiyano hindi lang sapat na hindi tayo magkasala. Hindi lang sapat na magpakabait tayo. Do we encounter God, his goodness and his mercy in what we do? Ang pagsisimba ba natin ay pagdalo lang sa misa o pagtanggap lang ng ostia? Conscious ba tayo na si Jesus ang nakakatagpo natin sa Misa? Kung conscious tayo na ang Salita ng Diyos ay pinapakinggan natin, buong attention natin na pakikinggan ito. Kung conscious tayo na si Jesus ang natatanggap natin sa Banal na Komunyon, we will not miss any opportunity to receive him and we receive him with great devotion. Conscious ba tayo na ang habag ng Diyos ang natatanggap natin sa kumpisal? Bakit nag-aalangan tayong mangumpisal? Confession is not a meeting with a priest but is an encounter with Christ. Alam ba natin na ang bendisyon ng Diyos ang tinatanggap natin sa sacramento ng kasal? Bakit pinagpaliban pa natin ito?
Nandito ang mga pari natin at ang mga lay leaders natin sa buong bikaryato ng Taytay dahil sa synodal process na ginagawa natin. Ang synod ay hindi lang pagkalap ng datos tungkol sa kalagayan natin. Ito ay dapat isang experience of encounter. We encounter one another because we believe that in one another we encounter the Spirit of Christ who guides the Church through each one. Ang pakikipagtagpong ito ay nagdadala sa atin ng malaking paggalang sa isa’t-isa kasi ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos kahit na sa maliliit, sa mga bata, kahit na nga sa mga hindi nagsisimba o sa mga nabibilang sa ibang relihiyon. Kaya makinig tayo sa kanila.
Tulad ng narinig natin, ang encounter na ito ay nagdadala ng pagpapanibago sa atin. Ito ay mas lalong nagbibigay ng sigla sa ating buhay kristiyano at sa ating misyon. Hindi nagtatapos ang synodal process natin pagkatapos ng ating asemblia ngayon. Patuloy natin itong gagawin. Ito na ang magiging kalakaran natin sa ating bikaryato kasi ito naman talaga ang nakalagay sa ating mission-vision statement. SA PATNUBAY NG BANAL NA ESPIRITU NA TUMUTUGON SA MGA HAMON NG PANAHON, PINAPANGARAP NAMIN ANG SIMBAHANG LOCAL NG APOSTOLIKO BIKARYATO NG TAYTAY, PALAWAN, BILANG SAMBAYANAN NG MGA ALAGAD NI KRISTO AYON SA HALIMBAWA NI MARIA NA SAMA-SAMANG NAGLALAKBAY SA PAGPAPAHAYAG NG PAGHAHARI NG AMA.
Ang synod ay sama-samang paglalakbay. Ang misyon ay ang pagpapahayag ng paghahari ng Ama. May kahandaang sabihin natin: Narito ako Panginoon, suguin mo ako!