29,479 total views
16th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Jer 23, 1-6 Eph 2:13-18 Mk 6:30-34
Pagkalito. Walang pagkakaisa. Nagkakagulo. Madaling masilo ng iba. Nanghihina. Iyan ang katangian ng kawan na walang pastol o napapabayaan ng pastol. Iyan din ang kalagayan ng mga tao na walang maayos na leader.
Noong panahon ni Jeremias magulo ang kalagayan ng mga tao. Ang mga leaders nila ay walang malasakit sa kanila. Nalilito ang mga tao. Kakampi ba sila sa mga Egipciano o sa mga Babylonians? Ito ang dalawang world powers noon na nag-aaway. Hindi nagkakaisa ang mga tao sa pagsunod sa batas ng Diyos. Ang iba ay sumasamba sa mga Baal, mga diyos-diyosan ng mga taga Canaan, sa halip na si Yahweh lamang ang sasambahin nila. Iyan din ang kalagayan natin ngayon. Nalilito tayo, kakampi ba tayo sa Tsina o sa USA, ang dalawang nag-uumpugang bato? Maraming mga Pilipino ay kailangang mangibang bansa upang makapaghanap buhay sa kanilang pamilya. Dahil dito nakakalat ang mga Pilipino sa bawat sulok ng mundo. At parang pinaglalaruan lang tayo ng mga leaders natin. Iba-iba ang political parties at mga political alliances na nangyayari ngayong malapit na ang eleksyon. Ang mga political parties ay mga pangalan lamang na wala namang mga prinsipio na pinaninindigan. Nandiyan din ang pagsisinungaling at pagkukunwari. Sino ba ang maaasahan natin na nagsasabi ng totoo? Para tayong mga tupa na walang pastol. Nalilito tayo.
Nangako ang Diyos noon pang panahon ni propeta Jeremias na magpapadala siya ng hari mula sa lipi ni David. Paiiralin ng leader na ito ang katarungan at magiging mapayapa ang communidad. Itong pangakong ito ay natupad pagdating ni Jesus. Siya ang liwanag ng mundo na tumatanglaw sa atin. Sa ating ebanghelyo ngayong Linggo narinig natin ang kanyang pagiging mabuting pastol.
Una, gusto niya na lalong mas maraming tao ang maabot ng Magandang Balita. Kaya pinadala niya ang kanyang mga apostol upang mangaral at magpalayas ng masamang Espiritu sa iba’t-ibang lugar. Pangawala, may pagmamalasakit si Jesus sa kanyang mga alagad. Pagdating nila, pagod sila at bising-busy sa mga tao na lumalapit sa kanila kaya wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya siya ay nagsuggest sa kanila na pumunta sa isang tahimik na lugar upang magpahinga. Pangatlo, bilang mabuting pastol si Jesus ay nahabag din sa mga tao na litong-lito na naghahanap ng leader na gagabay sa kanila. Nababahala siya sa mga tao. Talagang eager na eager silang lumapit sa kanya. Pang-apat, bilang mabuting pastol isinantabi niya ang kanyang sariling pangangailangan at tinugunan niya ang pangangailangan ng mga tao. Kahit na siya ay pagod din at gustong magpahinga, kinalimutan niya ang kanyang pangangailangan. Nagpaiwan siya sa pampang ng dagat at doon tinuruan niya ang mga tao. Ang pagtuturo ay isang mabisang paraan upang pastulin ang mga tao. Ang mga aral ay nagbibigay ng direksyon at nagpapasigla sa mga tao. Kaya ang pagiging guro ni Jesus ay isang paraan ng pagganap niya ng pagiging mabuting pastol.
Si Jesus nga ang mabuting pastol na dumating upang gabayan at iligtas ang kawan ng Diyos. Inalay niya ang kanyang buhay para sa mga tupa. Pinagpapatuloy ng simbahan ang pagpapastol ng bayan ng Diyos. Kaya nandiyan ang Santo Papa, ang mga obispo, mga pari, mga madre at mga leader laiko upang patuloy na pastulin ang mga tao.
Pero walang masyadong magagawa ang pastol kung hindi naman sumunod sa kanya ang mga tupa. Kaya hindi lang sapat na may pastol, kailangan din ang pagsunod ng mga tupa. Sana po tayo ay maging katulad ng mga tao na kahit na mahirap at malayo, sila ay patakbong pumupunta kung nasaan papunta si Jesus. Lumapit tayo kay Jesus, makinig tayo sa kanya at tanggapin natin siya. Hayaan natin na gabayan tayo ng ating mabuting pastol.
Maraming boses tayong naririnig ngayon na nang-aakit sa atin. May nagsasabi na mabuti daw ang divorce. May nananawagan na ipagpatuloy ang digmaan sa Ukraine at sa Gaza. May mga nagsasabi na sugpuin na ang Tsina sa pang-aabuso nila. Ngayong papasok na ang panahon ng pangangampanya, mas lalong iingay ang mga tao sa pagsuporta sa kanilang mga kandidato na may iba’t-ibang pananaw. Sana po bigyan natin ng suporta ang sinasabi ng simbahan. Hindi lang ito isang boses sa maraming boses. Dinadala nito ang tinig ng mabuting pastol upang tayo ay gabayan. Tulad ng binabanggit natin na sumasampalataya ako sa Diyos Ama, sa Diyos Anak at sa Diyos Espiritu Santo, binabanggit din natin na sumasampalataya ako sa Simbahang Katolika. Pinapastol tayo ngayon ng simbahan. Wala namang interes ang simbahan kundi ituro sa atin ang kalooban ng Diyos, katanggap-tanggap man ito sa mga tao o hindi. Dahil dito madalas iba ang sinasabi ng simbahan kaysa sinasabi ng mga politiko o mga business leaders. Ang interes lang ng simbahan ay ang mabuti sa mga tao ayon sa Salita ng Diyos. Kaya hindi siya nagpapadala sa public opinion o kung ano ang uso. Manalig tayo sa Diyos at sundin natin ang simbahan.