15,565 total views
4th Sunday of Lent Cycle C
Laetare Sunday
Jos 5:9-12 2 Cor 5:5.17-21 Lk 15:1-3.11-32
“Ang tao’y ibinilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan.” Ito ang magandang balita at dahil dito, tayo ay natutuwa. Anumang kasamaan natin, dini-delete na ng Diyos ang lahat – delete forever – dahil sa anumang hakbang, kahit maliit na hakbang na ating ginagawa para lumapit sa kanya.
Napakasama ang ginawa ng bunsong anak sa talinhaga ni Jesus na ating narinig sa ating pagbasa. Buhay pa ang ama humingi na siya ng pamana. Ang pamana ay matatanggap lamang kapag patay na ang magpapamana. Sa paghingi ng kanyang mana parang sinasabi ng anak, parang patay ka na para sa akin. Kinuha ang kanyang mana at nilustay sa di-wastong pamumuhay. Sinayang ang pinagsikapan ng ama. Napakahirap ng kanyang kalagayan noong naubos na ang lahat ng kayaman niya at nagkaroon pa ng matinding taggutom. Nag-alaga na lang siya ng baboy. Ang baboy para sa mga Hudyo ay isang maruming hayop. Ibig sabihin na pumunta na ang anak sa dayuhang lugar at doon nanirahan.
Ang kasalanan ng anak ay nagdala ng kasamaan sa kanya. Ganyan naman talaga ang dinadala ng kasalanan – kahirapan. Sa tindi ng kanyang hirap, naisip niya paano siya mabubuhay. Magpapakumbaba na lang siya at bumalik sa kanila at maging alila para lang may makain. Ang kanyang iniisip ay hindi naman na iniinsulto niya ang kanyang ama at naging iresponsableng anak siya. Bumalik siya hindi dahil sa ama kundi para lang may makain. Makasarili pa rin ang kanyang balak, pero ito ay sapat na sa ama. Dahil sa siya ay bumalik, sapat na sa ama na siya ay salubungin, yakap-yakapin, at hinagkan. Hindi nga pinansin ng ama ang kanyang pahayag, ang kanyang prepared speech. Agad binalik siya sa kanyang kalagayan bilang anak na minamahal – binigyan siya ng bagong damit, ng sapatos sa kanyang paa at singsing sa kanyang daliri. Nagpa-fiesta pa ang ama. May malaking handaan at masayang tugtugan. Bumalik na ang kanyang anak!
Minsan sinabi ni Jesus na may malaking kasiyahan sa langit sa isang makasalanang nagbalik loob sa Diyos. Ito na nga ang larawan ng kasiyahang ito. Nagpipiesta sa langit kapag may taong nagsisisi.
Pero lahat ba ay nagsaya? Hindi! Ayaw makiisa at makisaya ang panganay na anak. Siya ang mabuting anak. Hindi siya umalis ng bahay. Tapat siya sa kanyang gawain at sumusunod siya sa kanyang ama. Galing pa nga siya sa bukid sa kanyang trabaho. Mabuting bata siya, pero hindi anak ang turing niya sa kanyang sarili ngunit isang manggagawa. Hindi niya nakita na bilang anak ang lahat ng nasa bahay ng kanyang ay sa kanya. Maluwag naman ang ama sa kanya. Pero hind!. Hindi niya matanggap ang kanyang bunso na kanyang kapatid. Siguro noong umalis ang bunso, itinakwil na niya ang kanyang kapatid sa kanyang puso. Sumama marahil ang kanyang loob na ang ari-arian ng pamilya ay nilustay ng batang ito. Sinayang ang pinagpaguran ng pamilya. At ngayon babalik siya muli, ang nagpapiesta pa! Inamu-amo siya ng Tatay. Lumabas pa ito para lapitan siya at kausapin na makisalo sa kasayahan. Pumasok ba siya? Hindi natin alam. Bitin ang kwento ni Jesus.
Ang talinhagang ito ay sinabi ni Jesus para sa mga pariseo at mga eskriba, ang matutuwid na mga Hudyo. Sila iyong nagsisikap na pag-aralan ang Banal na Kasulatan. Sila iyong mga nagsisikap na tuparin ang mga kautusan ni Moises. Gusto nilang maging tapat sa kanilang relihiyon. Wala namang masama rito. Ang masama lang ay mababa at masama ang tingin nila sa mga kapwa Hudyo nila na hindi nagsisikap tulad nila. Makasalanan ang tingin nila sa kanila. Iniiwasan nila ang mga ito at wala silang pakialam sa kanila. Kaya hindi maganda ang tingin nila kay Jesus na nakikisalamuha sa mga itinuturing nilang makasalan. Sila iyong panganay na anak. Magsasaya ba sila na ang mga makasalanan ay tinatanggap na ng Diyos at maaari na muling makisalo sa hapag ng Panginoon? Sila ang magbibigay ng ending sa talinhaga ni Jesus.
Sinulat ni San Pablo na siya ay sugo ng Diyos na namamanhik sa mga tao: makipagkasundo na kayo sa Diyos, maaari nating idugtong, at sa inyong kapwa. Minsan madaling makipagkasundo sa Diyos. Ang mas mahirap ay makipagkasundo sa kapwa, lalo na sa kapwa na iniiwas-iwasan natin. Dahil sa hindi sila kasing bait natin, kasing galing natin; dahil iba ang paniniwala natin sa kanila, inaayawan na natin sila.
Nangyayari ito sa ating panahon, lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Dahil iba ang kandidato natin, kinokontra na natin ang iba. Huwag po nating hayaang pagsabungin tayo ng mga politiko. Hindi sana masira ang ating pamilya, ang ating pagkakaibigan, ang ating mga grupo sa simbahan na magkaiba ang kandidatong isinusulong natin. Magkaibigan pa rin tayo, magkapatid pa rin at magka-brod magka-sis pa rin tayo kahit na iba ang kandidato natin. Huwag natin ituring ang iba na masama kasi iba ang binoto natin, basta lahat tayo hindi ipagbibili ang boto natin.
Ito rin ang nangyayari ngayon sa kaso ni Duterte. Bakit mag-away-away tayo dahil kay Duterte? Nasa korte na siya, hayaan na natin ang korte ang magpasya sa kanya. Huwag tayong magniwala sa gawa-gawang mga kwento at pahayag. Maging bukas lang tayo sa katotohanan at antayin ang paghuhusga sa kanya.
Pakikipagkasundo ang misyon ni Jesus, pakikipagkasundo sa Diyos at pakikipagsundo sa ating kapwa. Tanggapin natin ang Diyos at tanggapin natin ang ating kapwa. Ayawan natin ang anumang bagay o anumang pagyayari na maghiwalay sa atin.