30,990 total views
Homily May 12, 2024
Ascension Sunday
World Communications Sunday Mother’s day
Acts 1:1-11 Eph 4:1-13 Mk 16:15-20
Bahagi ng buhay ng tao ay ang pag-welcome at ang pamamaalam. Kadalasan masaya tayo sa pag-welcome sa isang dakila o mabait na tao at malungkot tayo sa pag-alis niya. Masaya tayo sa pagtanggap sa auntie na dadalaw sa atin at malungkot tayo pag-alis niya. Masaya tayo sa pagdating ng bagong anak at malungkot naman tayo pag-umalis na siya para mag-aral sa malayong paaralan. Ganoon din sa ating Panginoong Jesus, masaya tayo pagdating niya sa pasko – naging tao ang Diyos at kasama na natin siya, pero bilang tao, aalis din siya. Babalik siya sa kanyang pinanggalingan. Ngayong araw inaalaala natin ang kanyang pag-akyat sa langit. Galing siya sa langit at babalik siya roon. Noong siya ay umaakyat sa langit, sinusundan siyang ng mga mata ng kanyang mga alagad. Nakatingala sila, kahit na siguro hindi na nila siya nakikita. Maaaring nalungkot din sila. Kaya may dalawang anghel na tumabi sa kanila na nagsabi: “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong umakyat siya.” Huwag kayong malungkot. Babalik uli siya.
Hindi tayo masyadong malulungkot kung ang pagtutuunan natin ng pansin ay hindi na wala na siya kundi may pinagagawa siya sa atin. May iniwan siyang misyon sa atin: “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Magandang Balita.” Ang ibig sabihin nito ay “Kayo’y maging saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Habang nag-aantay tayo sa kanyang muling pagdating, ipakilala natin siya sa buong mundo upang matanggap ng lahat ang kaligtasan na kanyang ginawa para sa atin.
Babalik uli si Jesus upang kaunin tayo patungong langit. Kaya ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay nagbibigay sa ating ng pag-asa. Kung nasaan siya ngayon, duroon din tayo. Palakasin natin ang ating tiwala at pag-asa. Binibigay niya sa atin ang walang hanggang kapangyarihang inilaan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Hindi tayo makamundo; makalangit tayo. Nauna na siya doon.
Nakaluklok siya sa kanan ng Ama, na ang ibig sabihin ay palagi niya tayong ipinapakiusap sa Ama. Wala na siya sa tabi natin pero alam niya ang nangyayari sa atin at ginagabayan niya tayo mula sa langit. May napakamakapangyarihang tagapamagitan tayo sa Diyos Ama, si Jesukristo. Dahil sa naging tao siya at dala niya ang ating pagkatao, makakaasa tayo na tinutulungan niya tayo mula sa langit. Kaya hindi naman talaga tayo iniwan ni Jesus noong siya ay umakyat sa langit. Ang kanyang concern ay nasa atin pa rin. Hindi niya tayo pinabayaan. Nababahala pa rin siya sa atin at tinutulungan pa rin tayo.
Sinabi niya sa mga alagad bago siya umakyat sa langit: “Bibigyan ko kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo.” Ang kanyang Espiritu, na walang iba kundi ang kanyang kapangyarihan, ay iiwan niya sa atin upang siya ang gagabay sa atin at magpapalakas sa atin sa paggawa ng misyon na iniwan niya at upang matagpuan natin siya sa muling pagdating niya. Talagang Mabuting Pastol si Jesus. Hindi niya tayo basta nalang iniwan. Iniwan rin niya sa atin ang kapangyarihang kailangan natin hanggang sa pagbabalik niya.
May misyon nga tayo hanggang sa pagdating niya. Ipakilala natin siya at ang kanyang gawaing pagliligtas sa lahat ng tao. Dahil dito taon-taon ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay ang World Communication’s Sunday. Sa Linggong ito ipinagtutuunan natin ng pansin ang pamamahayag, ang komunikasyon, ang pagpapaabot. Ano ang ipinaaabot natin? Ang Balita ng Kaligtasan. Ito ang ikino-communicate natin. Mas lalong napapabilis at napapalakas ang pamamahayag dahil sa teknolohiya natin ngayon: nandiyan ang print, ang radio, ang telebisyon, ang cell phone, ang social media. Ang bilis kumalat ng balita at ang lawak ng naaabot nito. Pero anong klaseng balita ba ang natatanggap natin at napapakalat natin? Napag-iisa ba tayo ng komunikasyon o mas lalong napaghihiwalay? Nalalapit ba ang mga tao sa katotohanan o mas lalong nalilinlang ng kasinungalingan? Nasa kamay po natin ang komunikasyon. Maaari itong maging instrumento ng kabutihan o ng kasamaan.
Hindi lang tayo nakakatanggap ng balita; tayo ay tagapagbalita na rin. Sana po magamit natin ang mga ito para sa kabutihan. Dahil sa komunikasyon mas napag-iisa tayo at natutulungan tayong magpakatao. Pero dahil din sa communication maaaring magkaaway-away tayo at magkaroon ng masamang pagtingin sa iba. Gamitin po natin ang mahalagang technology na ito para sa kabutihan at para ipalaganap ang Magandang Balita ng kaligtasan.
Ngayong Linggo ay ang ikalawang Linggo ng buwan ng Mayo. Ito ay Mother’s Day. Taon-taon kinikilala natin ang kahalagahan ng ating nanay. Dumating tayo sa mundo sa pamamagitan ng ating nanay. Siya ang pinakamalapit na tao sa atin sa mundo. Magpasalamat tayo na kinalinga niya tayo upang mabuhay. Hindi ito madali sa kanya. Alam natin na ngayon ay may mga nanay na hindi hinahayaan na mabuhay ang kanilang anak. Dumaan muna tayo sa kanyang sinapupunan bago natin nakita ang liwanag ng mundo. Naramdaman natin ang tibok ng kanyang puso bago natin narinig ang anumang ingay sa mundo. Sa araw na ito ipadama natin ang ating pag-ibig sa nanay natin. Kung buhay pa siya sabihin natin sa kanya ang tatlong mahahalagang salita: I love you, I am sorry, thank you. Kung wala na siya sa ating piling at sumakabilang buhay na siya, sabihin pa rin natin sa ating panalangin sa kanya: I love you, I am sorry, thank you. Ipagdasal natin sa Diyos na balang araw magkakasama uli tayo ng wala nang hiwalayan sa tahanan ng ating Diyos Ama sa langit kung nasaan na ngayon ang ating Panginoong Jesus.