31,490 total views
Homily May 19, 2024
Pentecost Sunday Cycle B
Acts 2:1-11 1 Cor12:3-7.12-13 Jn 20:19-23
Ang Pentekostes ay isang dakilang pista ng mga Hudyo, kaya mayroong maraming tao noon sa Jerusalem na galing sa iba’t-ibang bansa. Namimiesta sila. Sa kapistahan ng Pentekostes ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang pagbibigay sa kanila ng mga batas ng Diyos noong panahon ni Moises doon sa bundok ng Sinai. Ang pagtupad sa mga batas ng Diyos ang pagsasabuhay nila ng pagtitipan sa kanila ng Diyos.
Sa araw na ito dumating ang Espiritu Santo sa mga alagad ni Jesus. Nangako si Jesus sa kanila na aalis man siya, hindi niya sila iiwanang ulila. Hihingi siya sa Diyos Ama na ipadala sa kanila ang isa pang katulong, ang Espiritung Mang-aaliw upang gabayan sila sa katotohanan. Tinupad ni Jesus ang kanyang pangako. Dumating ang Espiritu Santo sa anyo ng dilang apoy sa bawat ulo nila at sa malakas na ihip ng hangin. Kaagad nagkaroon ng lakas ng loob ang mga apostol. Lumabas na sila at nagpahayag ng Magandang Balita tungkol kay Jesus sa iba’t-ibang wika. Naintindihan sila ng mga tao na galing sa iba’t-ibang lugar sa sarili nilang wika. Ito ay himala ng Espiritu Santo. Nakilala na ang simbahan ng mga tao, kaya ito ang kinikilalang birthday ng simbahan. Naging hayag na siya sa mundo.
Pagkarinig ng pahayag ni Pedro sa mga tao, kaagad, sa araw ding iyon, higit na tatlong libong mga tao ang nagpabinyag. Ito ay dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumikilos ang Diyos ngayon sa mundo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ganoon kahalaga at ganoon kabisa ang Espiritu Santo na sinulat ni San Pablo na ating narinig sa ating ikalawang pagbasa na hindi masabi ninuman na Panginoon si Jesus kung hindi dahil sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kung tayo ay may pananampalataya, kung tayo ay nakakapagdasal, kung tayo ay nandito ngayon, iyan ay dahil sa Espiritu ng Diyos. Kumikilos siya sa ating piling. Purihin natin siya!
Inihahambing ni Pablo ang simbahan sa isang katawan – ang katawan ni Kristo. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na may iba’t-ibang hugis at may iba’t-ibang kakayahan. Iba ang hugis ng mata at katangi-tangi ang nagagawa ng mata. Iba naman ang hugis ng kamay at iba ang nagagawa niya. Pero ang lahat ng ito ay napapakilos ng parehong buhay. Ang buhay sa mata ay siya ring buhay sa kamay. Ganoon din sa katawan ni Kristo. Mayroon tayong mga pari, at may katangi-tanging misyon sila. Mayroon din tayong mga katekista at may gawain din sila. May mga kumkanta sa choir, may treasurer tayo, may lay ministers tayo. Ang lahat ng kakayahang ito ay galing sa Espiritu Santo. Siya ang nagbibigay buhay at sigla sa atin.
Ang pagbibigay ng Espiritu Santo ay kaugnay sa muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ay resulta ng kanyang pagkabuhay. Kaya ayon kay San Juan sa ating ebanghelyo, sa unang pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad niya sa gabi ng Linggo ng Muling Pagkabuhay, agad ibinigay ni Jesus sa kanyang mga alagad ang kanyang Espiritu. Hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” Sa pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo binigyan niya sila ng kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan. Natalo na ni Jesus ang kasalanan sa kanyang muling pagkabuhay. Ang kanyang tagumpay ay ibinabahagi na ng mga alagad niya sa buong mundo sa pagpapatawad ng kasalanan. Wala ng hawak na atin ang kasalanan. Ito ang magandang balita.
Ang Espiritu Santo ay tinanggap nating lahat noong tayo ay bininyagan. Dahil nasa atin na ang Espiritu ni Jesus matatawag na natin ang Diyos na Ama. Ang buong lakas ng Espritu Santo ay itinatak sa atin noong tayo ay kumpilan. Ibinubuhos sa atin ang mga regalo ng Espiritu Santo na magagamit natin sa pagsasabuhay ng buhay ni Jesus. Nagkakaroon tayo ng biyaya ng karunungan, ng pagkaunawa, ng kaalaman, ng matuwid na pagpapasya, ng banal na pagkatakot sa Diyos, ng katatagan, at ng kalakasan ng loob. Kailangan natin ang mga ito sa ating pag-unlad sa pananampalataya. Kaya ang kumpil ay dapat tanggapin ng lahat ng mga binyagan. Pangkaraniwan, ito ay binibigay sa atin sa ating kabataan. Habang nagma-mature ang ating katawan kailangan ding mag-mature ang ating kaluluwa. Pero dito sa atin, maraming mga magulang ay nakaligtaan na pakumpilan ang kanilang mga anak. Isa ring dahilan ng marami na hindi nakumpilan ay ito: ang kumpil ay karaniwang binigay lang ng obispo at dahil sa malawak ang ating teritoryo, at noon ay mahirap itong maabot ng mga obispo, kaya hindi madalas ang kumpilan. Pero ngayon ay punan na natin ang pagkukulang na ito. Kahit na matanda na kayo pero hindi pa nakumpilan, magpakumpil kayo. Ayaw ba natin tanggapin ang regalo na binibigay ni Jesus na atin na walang iba kundi ang kanyang Espiritu? Kung nasa atin na ang Espiritu ng Diyos hindi na tayo basta-bastang mapapasukan ng anumang espiritu.
Tandaan natin na ang buhay natin sa mundo ay isang pakikipagtunggali. Ang kalaban natin ay hindi lang mga bagay bagay. Ang kalaban natin ay mga kapangyarihang spiritual ng kasamaan. Nandiyan si Satanas at ang kanyang mga kampon. Ang diyablo ay masipag. Inilarawan ni Pedro ang demonyo na isang lion na patuloy na gumagala-gala upang lapain ang kanyang mabibiktima. Pero hindi tayo natatakot sa kanya. Nasa atin ang Banal na Espiritu, ang kapangyarihan ng Diyos. May mga sandata din tayo sa labanan na ito – ang panalangin, ang ating pananampalataya at ang Salita ng Diyos. Kaya kapag nararamdaman natin na tayo ay inaatake o nanghihina – nandiyan ang tukso, nandiyan ang mga problema, nandiyan ang kalituhan, tumawag tayo sa Espiritu Santo. Nasa atin siya. Nakatatak siya sa ating kaluluwa. Gamitin natin ang kanyang kapangyarihan.
Ngayon, para sa ating mga Kritiyano, ang Pentekostes ay hindi na pagdiriwang ng pagbibigay ng batas na nakaukit sa bato. Ito ay ang pagbibigay sa atin ng Espiritu ng Diyos na nagpapatawad ng ating kasalanan at nagdadala sa atin sa tagumpay sa ating paglalakbay patungo sa Diyos. Siya ay nakatatak sa ating puso. Tawagan natin siya at sumunod tayo sa kanya. Dahil sa kanya nagiging katulad tayo ni Jesus na ating Panginoon.