7,960 total views
Solemnity of Christ the King Cycle C
2 Sam 5:1-3 Col 1:12-20 Lk 23:35-43
Ngayon na ang huling Linggo ng taon ng simbahan. Sa susunod na Linggo ay panahon na ng Adbiento na nagbubukas ng bagong taon ng Simbahan. Ang wakas ng taon ay nagpapaalaala sa atin na ang panahon ay lilipas. Magtatapos din ang panahon. Sa wakas ng panahon mahahayag na ang kaganapan ng gawain ng Diyos. Magtatagumpay na ang gawain ng kaligtasan. Magiging maliwanag na sa lahat ang paghahari ng Diyos. Kaya ngayong Linggo ay ang kapistahan ni Kristong Hari.
Si Jesus ay hari ayon sa paghahari ni David na kanyang ninuno. Sa ating unang pagbasa narinig natin paano kinilala si David na hari ng lahat ng tribu sa Israel. Noong mamatay si Saul, ang unang hari ng mga Hudyo, si David ay agad kinilala ng kanyang tribu, ang tribu ng Juda, na hari nila. Pero ang ibang mga tribu ng Israel ay kumikilala pa kay Isboset, ang isang anak ni Saul, na kanilang hari. Ngunit noong mamatay si Isboset, ang mga leaders ng lahat ng tribu ng Israel ay pumunta sa Hebron at nagpailalim na sila kay David. Kinilala na nila na siya ay hari nila. Binuhusan nila siya ng langis. They anointed him as their king. Mula noon, si David na ang hari ng buong bayan ng Israel.
Si Hesus ay galing sa lipi ni David dahil kay Jose. Inampon siya ni Jose bilang kanyang anak. Siya ang nagbigay ng pangalan sa kanya, kaya ang lahat ng pribilehiyo ni Jose ay napunta kay Jesus, pati na ang pagiging galing niya sa lipi ni David.
Pero kakaiba ang paghahari ni Jesus kaysa pagkakilala ng tao sa mga hari. Noong si Jesus ay ipinako sa krus, kinutya siya ng iba’t-ibang grupo ng mga tao. Kinutya siya ng mga Hudyo na nagpapatay sa kanya. Kinutya siya ng mga kawal ng mga Romano. Kinutya din siya ng isang salarin na kasama niyang ipinako din sa krus. Lahat sila ay humamon sa kanya – kung hari ka iligtas mo ang iyong sarili. Kung may kapangyarihan ka, gamitin mo ito para sa iyong sarili. What are you in power for? Hindi ba ganyan din ang pananaw at ginagawa ngayon ng mga taong may kapangyarihan – ang mga politico, ang mga contractors, ang mga military? Pinuprotektahan nila ang kanilang sarili. Ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para magkaroon ng pera, para manatili sa puwesto, para durugin o gawan ng kuwento ang mga komokontra sa kanila?
Iba si Jesus. Talagang hari siya. Kinilala ito ni Pilato noong ipinasulat niya ang akusasyon laban kay Jesus na nakapako sa itaas ng kanyang krus: Hari ng mga Judio. Ito ay nakasulat pa sa tatlong wikang ginagamit ng mga tao noong panahon ni Jesus: Hebreo, Griego at Latin. Hari nga siya pero ginamit niya ang kanyang kapangyarihan hindi para sa sarili kundi para sa iba. Ang kumilala lamang kay Jesus bilang hari sa paligid niya habang siya ay nakabitin sa krus ay ang isang tulisan na nakapako din sa krus kasama niya. Sabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” At siya ang pinansin ni Jesus at pinangakuan: “Ngayon di’y isasama kita sa paraiso.” Doon lubos na mahahayag ang paghahari ni Jesus – doon sa paraiso.
Kinikilala natin ngayon si Jesus na hari. Gusto din natin na makasama siya sa kanyang kaharian sa paraiso. Oo, makakasama natin siya doon kung ngayon ay tinatanggap na natin siya. Tinatanggap natin siya sa mga tao na ibig niyang makiisa – ang mga dukha, ang mga inaapi, ang mga may sakit, ang mga dayuhan. Kaya ang Linggo ng kapistahan ni Kristong hari ay pinangunahan noong nakaraang Linggo ng Pandaigdigang Araw ng mga Dukha. Sinasabi sa atin na kapag tinatanggap natin ang mga dukha, pinaghaharian tayo ni Jesus. Pinaglilingkuran natin si Jesukristo bilang hari kapag may pag-ibig at may pagmamalasakit tayo sa mga naghihirapan at nasa kagipitan. Tayo ay tumutulong sa mahihirap hindi lang dahil sa naaawa tayo sa kanila, hindi lang dahil sa ito ay trabaho lang natin tulad ng ginagawa ng mga nasa DSWD o ng mga NGO. Tumutulong tayo sa mahihirap dahil sa pananampalataya na sa mga dukha nakikita natin si Jesus. Kaya ang mga dukha ay hindi lang natin tinutulungan at pinaglilingkuran. Minamahal natin sila! Sa ating pagmamahal sa kanila, si Jesus ang ating minamahal.
Si Jesus ay ang mukhang nakikita ng Diyos na hindi nakikita. Ang Diyos ay Espiritu. Hindi natin siya nakikita. Pero siya ang nagkaroon ng laman kay Jesus. Nakikita natin si Jesus. Nakikita na natin ang Diyos. Sa paglilingkod at pagkilala natin kay Jesus, ang Diyos ay kinikilala at pinaglilingkuran natin. Ganoon din, ang mga mahihirap ay ang mukha ni Jesus ngayon. Hindi natin nakikita si Jesus, pero napaglilingkuran natin siya sa mga nangangailangan at napapabayaan. Kailangan natin ng pananampalataya na makita si Jesus sa kanila.
Ipagdangal natin si Kristong Hari sa ating pagtulong at paglilingkod sa mga mahihirap.
Huwag tayong manghinayang kapag nakatulong tayo sa mga dukha. Si Jesus ang ating tinutulungan. Buksan natin ang ating puso sa mga nangangailangan at si Jesus ang papasok sa ating buhay. Ito ang naging karanasan ni Martin na taga-Tours sa Fransiya. Siya ay isang suldalo. Isang panahon ng taglamig na makapal ang snow, nadaanan niya ang isang pulubi na nanginginig sa lamig. Wala siyang dala upang tulungan siya. Ang ginawa nalang niya ay pinutol niya ang kanyang balabal na pambalot niya laban sa lamig at ang kalahati ay binigay sa pulubi. Noong gabing iyon nanagip siya kay Jesus na suot-suot ang kaputol ng kanyang balabal. Si Jesus ang kanyang tinulungan. Tinatanaw ni Jesus na utang na loob ang lahat ng ginawa natin sa mga mahihirap. Ito ay ginagawa natin sa kanya.




