4,052 total views
22nd Sunday of Ordinary Time Cycle B
World Day of Prayer for the Care of Creation
Deut 4:1-2.6-8 James 1:17-18.2-22.27 Mk 7:1-8. 14-15. 21-23
Ang Salita ng Diyos. Napakahalaga nito. Napakinggan natin ang pagbasa kanina mula sa sulat ni Santiago: “Niloob ng Diyos na tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng SALITA NG KATOTOHANAN, upang matangi tayo higit sa lahat ng kanyang nilalang. Buong pagpapakumbabang TANGGAPIN ANG SALITA NG DIYOS na natanim sa inyong puso. Ito ang magliligtas sa inyo. MAMUHAY KAYO AYON SA SALITA NG DIYOS.”
Dahil sa Salita ng Diyos natatangi tayo sa iba. Hindi ba iyan din ang sinabi ni Moises sa ating unang pagbasa? Hahanga ang mga tao dahil sa batas ng Diyos na ibinigay niya sa mga Israelita. Mahal ng Diyos ang kanyang bayan kaya binigyan niya sila ng batas. At matuwid at maganda ang mga batas na ito. Kaya huwag nila itong palitan at dagdagan. Isabuhay lamang nila ito. Ito ang karangalan nila.
Pero ang Salita ng Diyos ay hindi lang karangalan natin kasi ito ay makatwiran. Ito rin ang magliligtas sa atin. Ililigtas tayo ng Salita ng Diyos kasi hindi tayo maliligaw sa landas ng buhay dahil dito. Ito ay magdadala sa atin patungo sa kabutihan natin. At hindi lang. Ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihan na magbigay ng buhay. Napapasigla tayo nito. Ngunit magkakaroon ng bisa ang Salita ng Diyos kung ito ay itinatanim natin sa ating puso at isinasabuhay natin.
Sa ating ebanghelyo nagalit si Jesus sa mga Pariseo at mga Eskriba na siyang mga leaders ng mga Hudyo noong kanyang panahon. Mas pinapahalagahan nila ang mga sabi-sabi ng matatanda nila kaysa sa Salita ng Diyos. Mas pinahalagahan nila ang mga panlabas na gawain tulad ng maghugas ng kamay bago kumain, maghugas ng mga kakainan, kung ano ang dapat kainin, at iba pang katuruan ng kanilang matatanda na hindi naman mga turo ng Diyos. Halimbawa, sa halip na igalang at suportahan ang kanilang mga magulang ayon sa batas ng Diyos, hindi na nila ito nagagawa kasi ang dapat isuporta sa mga magulang ay itinalaga na daw nila sa Diyos, na hindi naman ito sinabi ng Diyos. Abalang-abala sila kung ano ang kinakain nila at maraming pinagbabawal na pagkain sa kanila, tulad ng pagkain ng baboy, ng isdang walang kaliskis, ng dugo at iba pa. Hindi naman tayo nagkakasala, wika ni Jesus, dahil sa kinakain natin. Ang talagang nagdadala ng kasalanan sa atin ay ang mga masasamang balak o plano o mga salita na nanggagaling sa ating bibig. Hindi gaano ang pumapasok sa ating bibig ang nagpaparumi sa atin kundi ang lumalabas sa ating bibig, tulad ng ating mga salitang masasakit. Dito nanggagaling ang kasamaan kasi ang nanggagaling sa ating bibig ay nagmumula sa ating puso. Kaya kung marumi ang ating mga salita iyan ay dahil marumi ang ating puso at iniisip. Ang galit sa ating bibig ay galing sa galit sa ating puso. Iyan ang nagpapadumi sa atin. Pinapalitan na ng mga Hudyo noon ang sinusunod nilang salita na salita ng kanilang kaugalian at hindi Salita ng Diyos.
Mahalaga, mga kapatid, ang Salita ng Diyos. Ito ay ang Salita ng Katotohanan at mapalad tayo na iyan ay ipinaaalam sa atin ng Diyos. Tanggapin natin ito, unawain, itanim sa ating puso at isabuhay.
Ang Salita ng Diyos ay nanggagaling sa Bibliya na pinapaliwanag ng simbahan. Hindi lang tayo binigyan ng Diyos ng nakasulat na Salita. Binigyan din tayo ng simbahan upang tulungan tayo na ito ay unawain ng wasto at isabuhay. Kahit na matagal nang isinulat ang Bibliya – mga higit ng tatlong libong taon na, ito ay angkop pa rin sa ating panahon kasi hindi naman nagbabago ang Diyos at hindi naman nagbabago ang patutunguhan ng tao, na walang iba kundi ang langit. Ginagabayan tayo ng Salita ng Diyos patungo doon.
Binibigyan tayo ng simbahan ng mga aral para sa ating panahon ngayon upang maging tapat tayo sa Diyos. Isang katuruan ng simbahan na maliwanag na kailangan natin ngayon ay ang pangangalaga sa kalikasan. Ang kalikasan ay gawa ng Diyos. Natuwa ang Diyos sa kanyang ginawa; nagandahan siya rito. Ginawa ng Diyos ang tao bilang tagapangalaga nito. Dahil sa pag-aabuso ng tao sa kalikasan dumating ang malaking pagkasira nito. Kaya ito, nagdurusa tayo ng matinding tag-init at matinding mga bagyo at mga baha.
Upang tawagin ang ating pansin sa ating responsibilidad sa kalikasan, ginawa ng simbahang na ang Sept 1 kada taon ay ang World Day of Prayer for the Care of Creation. Ipagdasal natin na harapin na natin ang ating pananagutan sa kalikasan. Ipagdasal natin ang mga political at business leaders natin na pangunahan tayo sa pagpapahalaga sa kalikasan at hindi lang na ito ay pagkakaperahan lang. Ipagdasal natin na magbago na ang takbo ng ating buhay upang hindi tayo maging makasarili at pansinin lang ang ikasasaya natin ngayon na hindi isinasaalang-alang ang pangangailangan ng mga dukha at ng mga susunod na generasyon. Anong klaseng mundo ba ang ipamamana natin sa ating mga anak at mga apo? Kaya ngayong Linggo, September 1, isama natin sa ating pagsamba sa Diyos ang pasasalamat sa biyaya ng kalikasan at ipagdasal natin na imulat sa bawat isa sa atin ang tungkulin nating alagaan ang magandang mundo na regalo sa atin ng Diyos.
Pero ang kamalayan ng ating pananagutan sa kalikasan ay hindi lang para sa isang araw. Ginawa ng simbahan na taon-taon mayroon tayong SEASON OF CREATION. Ito ay mula September 1 hanggang Linggo ng mga Katutubo na ngayong taon ay sa October 13. Sa higit na anim na linggong ito isaalang-alang natin ang tungkulin natin sa kalikasan. Magdasal at kumilos din tayo. Kumilos tayo sa pangangalagaan ito.
Dalawa ang magagawa natin dito. Una, huwag tayong basta-bastang gumamit at magtapon ng plastic. Tayong lahat ay nakaka-contribute sa pagkasira ng mundo sa mga plastic na tinatapon natin. Iwasan ang paggamit ng plastic. Huwag itong basta-basta na lang na itatapon. Pangalawang magagawa natin ay magtanim ng puno. Malaki ang magagawa natin para sa kalikasan kung ang bawat isa ay magtanim ng puno. Ilan tayo na nandito sa simbahan– 100 na tao? 200? 300? Imagine kung linggo linggo magtatanim tayo ng isang puno, o isang tanim man lang. Sa loob ng 6 na linggo ng Season of Creation, sa ating maliit na community, ilang daan ang matatanim natin? Kung 100 tayo, at ang bawat isa ay magkapagtanim ng 6 na puno, iyan ay 600 trees na. Isang chapel pa lang tayo. Kung 4000 Catholics tayo sa parokyang ito – iyan ay 24,000 trees na. Maraming oxygen na ang maiaambag niyan sa ating mundo.
Ang Salita ng Diyos ay ating itanim sa ating puso at isabuhay. Kumilos tayo ayon sa Salita na sinasabi sa atin ng Diyos.