2,233 total views
26th Sunday in Ordinary Time Cycle B
National Seafarers’ Sunday
Migrants Sunday
Num 11:25-29 James 5:1-6 Mk 9:38-43.45.47-48
Isa sa katangian ng ating mundo ngayon ay GLOBALIZATION. Nararanasan natin na iisang mundo na lang tayo. Madali ang contact natin sa ibang bansa, sa ibang lahi, sa ibang kultura at sa ibang mga produkto at paniniwala. Marami sa atin ay may mga kamag-anak at kaibigan na nakatira o nagtratrabaho sa ibang bansa. Natutulungan tayo sa ating hanap buhay ng mga pera na pinapadala sa atin mula sa abroad. Dito mismo sa Palawan, may hanap buhay tayo dahil sa mga turista na dumadating dito sa atin galing sa ibang lugar. Ang mga balita o entertainment natin ay galing sa ibang bansa. Talagang mahigpit ang kaugnayan natin sa mga iba sa atin.
Ang maaaring masama na mangyari ay dahil siguro sa takot sa iba o dahil sa kumpetensiya, aayawan natin ang iba. Nakikita natin ito na nangyayari sa ibang mga bansa. Sa Israel mayroon silang matataas na pader na itinayo upang hiwalayin ang mga Hudyo sa mga Palestinians. Ganoon din sa America. May matataas na pader na upang hindi makatawid ang mga Mexicans sa USA. Isa sa mainit na issue sa election sa US sa Nobyembre ay kung ano ang gagawin sa mga migrants, sa mga taga-ibang bansa at lahi na pumapasok o nandoon na sa Amerika. Iyan din ang mainit na usapin sa mga halalan sa maraming mga bansa sa Europa.
Ang katuruan sa atin ng simbahan ay huwag nating ayawan ang mga dayuhan. Tanggapin natin sila, pangalagaan at tulungang makapag-integrate. Habang pinangangalagaan natin ang ating kakayahan at ang kalagayan ng ating mamamayan, huwag nating tanggihan ang iba. Tao din sila. Ang Diyos mismo, noong naging tao siya, siya at ang kanyang pamilya ay nangibang bansa, pumunta sila sa Egipto upang iligtas ang buhay ni Jesus. Huwag natin bastang isantabi ang hindi natin kagrupo o hindi natin kasama.
Noong panahon ni Moises, nagreklamo siya sa Diyos na hindi na niya kaya ang gawaing pamahalaan ang mga Israelita. Napakarami na nila – higit na anim na raang daan ang mga mandirigma lang, at nag-iisa lang si Moises na namumuno sa kanila. Pinapili ng Diyos si Moises ng mga pitumpung leaders upang ibahagi sa kanila ang kapangyarihang mamuno sa kanilang kapwa. Bumaba ang Espiritu sa kanila at nakapagpahayag sila. Pero may dalawa sa napili, si Eldad at si Medad, na hindi nakarating sa pagpupulong. Kahit na nasa kampamento sila, sila rin ay nakapagpahayag. Bumaba din sa kanila ang Espiritu ng Diyos. Noong malaman ito ni Josue, ipinakiusap niya kay Moises na pigilan sila. Hindi sila kasama sa grupo. Pinagalitan ni Moises si Josue. Hindi nababawasan ang dangal at kapangyarihan ni Moises na dumadami ang pinipili ng Diyos. Mas gusto pa nga niya na ang lahat ng Israelita ay mapuspos ng Espiritu ng Panginoon. Inclusive si Moises at hindi exclusive. Mapagtanggap si Moises sa iba.
Ito rin ang attitude in Jesus. Nag-report si Juan na apostol niya na may nakatagpo daw sila ng isang taong hindi naman nila kasama pero nagpapalayas siya ng demonyo sa ngalan ni Jesus. Pinagbawalan nila siya kasi hindi naman nila siya kasamahan. Iba ang pananaw ni Jesus. Hindi dapat siya pinagbawalan, kasi ang hindi kumakalaban sa kanila ay kakampi nila at panig sa kanila. Malawak ang pananaw ni Jesus. Ang kaligtasang dala niya ay para sa lahat at lalong mas marami ang kumikilos para sa kaligtasan, mas mabuti.
Tayo po ay mga katoliko. Ang ibig sabihin ng salitang katoliko ay bukas sa lahat, para sa lahat. Ang kapatawaran ng kasalanan ay para sa lahat at ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat. Kaya tanggapin natin ang lahat ng tao, ang lahat ng lahi, ang lahat ng relihiyon. Mahalin at tulungan natin sila, pati na ang mga kaaway natin. Noong dumating ang bagyong si Odette, maraming bahay ay nasira. May dumating na tulong sa ating social action center para sa mga nasiraan ng bahay. Marami ang natulungan. Pero may mga nagreklamo. Bakit daw tinutulungan din natin ang mga hindi katoliko? Hindi ba para lang sa katoliko ang tulong na iyan? Iyan din daw ang ginagawa ng ibang sekta. Ang mga taga-simbahan lang nila ang kanilang tinutulungan. Dito pinapakita ng mga nagreklamo na hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pagiging katoliko. Ang katoliko ay para sa lahat. Basta nangangailangan, kahit hindi katoliko, ay tutulungan.
Kung tayo ay may pagtatangi man, kung tayo ay may iitchepuwera man, o lalayuan man, iyan ang kasalanan at ang mga nagdadala ng kasalanan. Dito mahigpit si Jesus. Kaya sinabi niya: Kung ang kamay mo ang nagiging dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito; kung ang mata, dukutin mo ito at itapon. Huwag tayo magkompromiso sa kasamaan. Kung ang best friend mo ang nagiging dahilan sa pagkakasala mo, iwasan mo siya. Kung ang cellphone ang nagiging dahilan, huwag ka nang magkaroon ng cellphone. Huwag dapat manghinayang na talikdan, iwanan, at itapon ang kasamaan sa buhay natin.
Ngayon po ay ang Linggo ng mga migrante at mga mamamalakaya. Dahil po sa globalization maraming mga Pilipino ay nangingibang bansa upang maghanap buhay. Isang hanap buhay din ng marami ay ang mamamalakaya. San bawat araw, may mga 300,000 na mga Pilipino na nasa laot sa buong mundo. In demand ang mga Filipino sailors. Oo, malaki ang tulong ng mga nangingibang bansa at ng mga nasa sa barko sa kanilang mga pamilya. Pero alam naman natin ang kapalit ito – kalungkutan, malayo sa pamilya at minsan pang-aabuso sa kanila. May mga pari, may mga madre at may mga taong nakalaan na tumulong sa mga migrante at mga namamalakaya sa buong mundo. Sila ang nalalapitan ng mga may problema at sila ang gumagabay sa nalilito. May second collection tayo sa misang ito para sa Apostolate of the Sea at sa Commission on Migrants.