891 total views
Ang ating Justice System ba ay tunay na nagbibigay ng hustisya sa ating mga kababaihan? Patas ba ang pagtingin ng ating justice system pagdating sa gender o kasarian ng mga mamamayan? Ang mga biktimang babae, lalo na ang mga mahihirap, bata, at walang kapangyarihan, may access sa hustisya sa ating bansa?
Napakahalaga ng access to justice, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Para sa mga maraming mga babae, isa ito sa mga batayang serbisyo ng bayan na kritikal hindi lamang para maging patas ang ating lipunan, kundi para na rin sa kanilang survival.
Ayon nga sa United Nations, bago pa man mag pandemya, marami ng kababaihan ang nakakaranas ng karahasan mismo sa kanilang mga tahanan at pamayanan. Hindi lahat ng karahasan na ito ay ating nakikita o nabibilang dahil hindi nagrereport o nagsusumbong ang karamihan sa mga biktima dahil sa takot at hiya. Tinatayang bago magpandemya, mas kaunti pa sa 40% ng mga kababaihan ang nagrereport ng karahasang kanilang naranasan. Simula noong 2022 kung kailan kabi-kabila ang lockdowns at hanggang ngayon, kung kailan may may mga mobility restrictions pa sa ibang bansa, mas maraming kababaihan pa ang hindi nakakapag-report ng domestic violence o anumang karahasang kanilang nararanasan. Kaunti lamang din ang nakakahingi ng tulong. Sa unang hakbang pa lang tungo sa hustisya, kapanalig, may balakid na agad ang kababaihan.
Kailangang mabago ito sa ating lipunan. Kailangan may paraan ang mga kababaihan upang kanilang mailahad ang anumang karahasang kanilang pinagdadaanan. Walang babae, kahit anumang edad, ang dapat makulong o ma-trap sa isang sitwasyong ikapapahamak niya. Kailangang ng ating lipunan ng sistema at stratehiya upang maging abot-kamay ang tulong at hustisya sa kababaihang biktima ng karahasan.
Ang ilan sa mga kongkretong aksyon na maaring maisagawa sa lipunan ay ang pagkakaroon ng hotline kung saan babae rin ang sasagot. Marami sa mga biktima ng karahasan ay hirap na maglahad ng kanilang pinagdadaanan, lalo na kung lalake ang kausap. Ang hotline na ito ay dapat maging bukas 24/7, at ang mga sumasagot ay kailangang handa makinig, makapagbigay ng payo at impormasyon, at makapag-refer sa angkop na ahensya, gaya sa pulis, sa hospital, o sa DSWD.
Ang house to house visits ay maari ring masagawa sa barangay level. Kung kaya nating mag-ikot ikot para mangampanya, di hamak namang mas kaya nating maghouse to house ang mga qualified health and social welfare workers upang icheck ang kalagayan ng mga marginalize, gaya ng bata, babae, at matatanda sa barangay. Malaking bagay ito dahil maabot natin ang mga biktimang hindi makakapag-report sa otoridad.
Ilan lamang ito kapanalig. Marami pa ang ating magagawa para sa mga biktima ng karahasan sa ating paligid. Ang hustisya, kapanalig, ay para sa lahat, pero mas dapat matanggap ito ng mga salat at walang kapangyarihan. Sabi nga sa Caritas in Veritate: charity demands justice. Kilalanin natin at respetuhin ang lehitimong karapatan ng lahat ng mga indibidwal, lalo na ang mga bulnerableng kababaihan.
Sumainyo ang Katotohanan.