64,961 total views
Mga Kapanalig, sa sulat ni San Pablo sa mga Taga-Roma, sinabi niya, “Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos.”
Madalas gamitin ang mga pangungusap ito sa Roma 13:1-2 para bigyang-diin ang tahimik na ugnayan nating mga taumbayan sa mga namumuno sa atin. Pero pagbabaluktot ito sa mga paalala ni San Pablo at sa konteksto kung kailan isinulat ang habilin niya sa mga Kristiyano noong panahon niya.
Totoo, gusto nating mamayani ang kapayapaan sa pagitan ng mga pinuno at ng mga pinamumunuan. Ayaw natin ng gulo; gusto natin ng pagkakaisa. Ayaw natin ng batuhan ng putik; gusto natin ng paggalang sa isa’t isa at pagkakasundo. Ayaw nating malihis ang atensyon ng mga nasa pamahalaan at ng publiko sa mas mahahahalagang usapin sa ating bayan; gusto natin ng sama-samang kaunlaran.
Pero ang pagpuná sa mga nasa poder—at pagpapanagot sa kanila para sa mga mali nilang ginagawa—ay hindi dapat tingnan bilang panggugulo o paglaban sa pamahalaang umiiral. Ang pagbabantay sa mga ginagawa ng ating mga lider ay tungkulin ng mga mamamayan sa isang demokratikong lipunan. Bahagi rin ito ng pagiging responsableng mananampalatayang nagpapahalaga sa katotohanan at katarungan. May mga prosesong itinakda ang ating batas para papanagutin ang mga lider nating gumagawa ng mali—gaya ng paglulustay sa pondo ng bayan, hindi pagsasabi ng totoo, at pagpapatupad ng mga batas na labag sa dignidad ng kanilang mga pinamumunuan. Isang proseso ng pagpapanagot ay ang impeachment.
Malinaw na nakasaad sa ating Konstitusyon: “Ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, ang mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, ang mga Kagawad ng Komisyong Konstitusyonal, at ang Ombudsman ay maaaring alisin sa katungkulan sa pamamagitan ng impeachment.” Kasama sa mga krimeng maaring pagbatayan ng pagpapatalsik sa kapangyarihan ay tahasang paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil, pagpapasuhol, iba pang mabibigat na krimen, o pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan.
Gayunman, dapat malinaw na ang pagsusuri sa mga kaso ng seryosong paglabag ay nakasalalay sa mga ebidensyang ihaharap. Hindi pamumulitika ang dapat na pangunahing motibasyon para patalsikin sa puwesto ang isang opisyal, lalo na kung ito ay para lamang sa kapakinabangan ng mga hindi niya kaalyado. Gayundin, hindi pamumulitika ang dapat pumigil sa pagtanggap at pagsusuri sa mga reklamong isinasampa ng mga naghahanap ng tinatawag nating accountability sa mga pampublikong opisyal.
Hanggang sa araw na isinusulat natin ang editoryal na ito, may tatlong impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte na inihain na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. May pang-apat pa raw na hahabol. Iba-ibang grupo ang naghain ng mga reklamong ito, pero tila bantulot ang mga kongresista na talakayin ang mga ito. Maging si Pangulong Bongbong Marcos Jr ay naninindigang hindi dapat ipa-impeach ang kanyang bise presidente. Marahil, ayaw na niyang palakihin ang lamat sa kanilang relasyon bilang pinakamatataas na lider ng gobyerno. Halimbawa ito ng pamumulitikang binabanggit natin.
Malalaman pa kaya natin ang katotohanan kung hahayaan lang nating mabaón sa limot ang hindi pagpapaliwanag ng ating mga lider sa paggamit sa perang ipinagkakatiwala natin sa kanila? Iiral pa kaya ang katarungan kung may mga maimpluwensyang tao at grupo na kumikilos para pagtakpan ang mga pulitikong pinagkakautangan nila ng loob?
Mga Kapanalig, minsang sinabi ni Pope Francis na kung ang mga batas ng bayan ay nakasalalay sa pamumulitika ng mga nasa poder, nanganganib ang demokrasya at katarungan. Kung hindi malaya ang mga mamamayan at ipinagkakait sa taumbayan ang katarungan, walang tunay na kapayapaan. Huwad ang kapayapaang isinusulong ng mga pinagtatakpan ang mga tiwali at taksil sa bayan.
Sumainyo ang katotohanan.