257 total views
Mga Kapanalig, pumutok noong isang linggo ang balitang didinggin na sa Senado ang panukalang ipatupad muli ang death penalty sa bansa.
Isa ang pagbuhay sa death penalty sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte noong kampanya. Noong isang taon nga, sa pagsusulong ng kanyang mga kaalyado, lumusot ang panukalang ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Landslide vote, Kapanalig—217 ang pabor, 54 ang tutol, at isa ang hindi bumoto. Katwiran ng mga pabor, kailangan ang death penalty upang matugunan ang kriminalidad sa bansa, lalo na ang mga krimeng may kaugnayan sa droga.
Sa Senado naman, naging mainit noon ang debate dahil masasagasaan ng pag-apruba sa panukala ang mga nilagdaan nating international treaties. At dahil dito itinigil ang pagdinig ng panukala sa Senado. Kaya’t bakit kaya nag-iba ang ihip ng hangin sa Senado?
Nagtataka ang isang senador dahil hindi kabilang ang death penalty sa napag-usapang common legislative agenda o ang mga panukalang tatalakayin ng Kongreso sa pagbubukas ng sesyon. Dahil rito, may mga haka-hakang ang pagbabalik ng panukalang parusang kamatayan ay dala ng puná kamakailan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na “slow chamber” ang Senado. Ipinagmalaki pa ng House Speaker ang kasipagan daw ng mga kongresista, samantalang walang umuusad sa mga panukala sa Senado, kabilang ang panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan. Tama bang idaan sa pulitika o “pressure” mula kay Speaker Alvarez ang pagsasabalik ng parusang kamatayan? Nararapat bang maging sunud-sunuran ang mga mambabatas upang maisakatuparan ang mga pangako ng nanalong kandidato, kapalit ng moral na aspeto ng kanilang panunungkulan at paghahanap ng tunay na epektibong solusyon sa mga suliranin ng bansa?
Nakababahala ring pangungunahan ni Senador Manny Pacquiao ang komiteng didinig sa panukalang batas. Alam naman nating pabor sa death penalty ang sikat na boksingero dahil alinsunod daw sa kalooban ng Diyos ang pagpapataw ng parusang kamatayan. Sa palagay po ninyo, Kapanalig, mapapabilis kaya ng senador ang pagsasabatas ng panukalang ito? Magiging patas kaya siya sa mga pagdinig?
Mga Kapanalig, hindi mapapagod ang ating Simbahan na labanan ang pagbabalik ng death penalty. Wika nga ni Pope Francis, salungat ang death penalty sa Mabuting Balita, sapagkat intensyonal itong pagkitil sa buhay ng tao na kailanman ay sagrado sa mata ng Tagapaglikha. Dagdag pa niya, walang sinuman, maging ang mamamatay-tao, ang nawawalan ng dignidad dahil ang Diyos ay isang amang palaging naghihintay sa kanyang mga nagkamaling anak na humingi ng tawad at nagbabagong buhay.
Sagrado ang buhay ng tao, kaya’t hindi katanggap-tanggap na ang usapin ng pagkitil sa buhay ng tao ay gagamitin para sa pamumulitika. Ipinaaalala sa mga panlipunang katuruan ng ating Simbahan na hindi tamang isantabi ng mga namumuno ang moral na bahagi ng kanilang kapangyarihan. Ang responsableng pamumuno ay ang pamumunong ginagamit ang kapangyarihan upang maglingkod, at may pagtanaw sa kabutihan ng lahat o common good, hindi sa personal na karangalan o kagalingan. Bilang instrumento ng estado, kinakailangang nakatuon ang kanilang mga gawain sa paglilingkod sa taong-bayan, sa kabutihan ng lahat, at hindi sa pagtugon sa mga puná at pressure sa pulitika. Hindi naisusulong ang kabutihan ng lahat kung ginagamit ang kapangyarihan para sa pansariling interes ng mga namumuno at upang magpatupad ng mga patakarang walang pagtingin sa panunumbalik ng nagkasala sa kanyang pamayanan at sa pagtatag ng katarungang may pagkakasundo.
Kaya, mga Kapanalig, huwag nating hayaang pamumulitika ang magpasya sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa. Higit sa lahat, patuloy tayong manindigan para sa buhay. Kung kaya natin, ipaalam natin sa mga iniluklok nating kinatawan sa Kongreso na sa isyung ito ng death penalty, suriin at pakinggan nila ang kanilang konsensya at ang boses ng kanilang kinakatawan sa halip na magpadala sa agos ng pulitika.
Sumainyo ang katotohanan.