30,346 total views
Ipinapaalala ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga mamamahayag na huwag papasilaw sa perang inaalok ng mga negosyante, pulitiko at may katungkulan sa pamahalaan higit na kung mula ito sa katiwalian.
Ito ang panawagan ni Bishop Pabillo sa mga balitang sangkot ang ilang mamamahayag sa pagtanggap ng pera kapalit ng paghahayag sa yaman ng mga hinihinalang sangkot sa korapsyon.
“Dito po sana malaki ang tulong sa atin ng mga mamamahayag, ng mga journalist kapag sila ay tapat sa panawagang ito na huwag silang magpagamit sa mga tao na nagnanakaw na maari silang bayaran,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Ikinatwiran ng Obispo na marami sa mga Pilipino ang pinapahirapan ng mga katiwalian na dapat sana ay ginamit sa pag-ahon ng mga mahihirap at pagresolba sa problema ng baha.
Ipinagdarasal ni Bishop Pabillo na maghari sa puso ng mga mamamahayag na gamitin ang kanilang propesyon upang ipakita sa publiko ang hirap na dinaranas ng mga Pilipino upang higit na mahimok ang pamahalaan na tugunan at isaayos ang pamumuhay ng mga Pilipinong maituturing na ‘Most Vulnerable Sector’ tuwing nakakaranas ng anumang uri ng sakuna ang Pilipinas.
“Sana maging matapang sila na sabihin ang katotohanan at ihayag ang mga pagnakakaw sa pamahalaan, kahit na sa pribadong sektor kaya nananawgan po tayo sa mga mamamahayag na sana maging kaanib natin sila sa panawagang huwag kang magnakaw!,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Ayon sa datos ng United Nations (UN) at World Economic Forum (WEF), tinatayang umaabot sa 571-Billion Pesos o 10-Billion US Dolllars ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas kada taon dahil sa illicit financial flows na kaugnay ng iba’t ibang uri ng katiwalian at korapsyon.
Habang ayon sa mga pag-aaral ng Asian Development Bank, isa hanggang dalawang porsyento ang nalulugi o nawawala sa dapat sana patuloy na paglago ng Gross Domestic Product Growth Rate ng Pilipinas.






