115,583 total views
Mga Kapanalig, gaya ng inaasahan, maraming tagasuporta ni dating Pangulong Duterte ang nagtipun-tipon sa kani-kanilang lugar para kundenahin ang pag-aresto at pagdadala sa kanya sa The Hague sa The Netherlands dalawang linggo na ang nakararaan.
Kalát sa social media ang mga larawan at video na nagpapakita ng pagsasama-sama ng mga nagpakita ng pakikiisa sa dating pangulo at kanyang pamilya. May mga galít at dismayado sa ating gobyerno. May mga emosyonal at hindi napigilang umiyak dahil mistulang kinakawawa ang kanilang idolo. May mga matapang na naghamon ng pag-aalsa laban sa pamahalaan dahil sa anila’y pagtatraydor kay Pangulong Duterte.
May isang partikular na video na lubhang nakababagabag ang kalakip nitong caption. Handa raw ang mga Maranao at Muslim sa digmaan kapag may mangyaring masama sa kinikilala nilang “Tatay Digong.” Kuha ang video sa lungsod ng Marawi sa Mindanao. Pero ang mas nakalulungkot ay ang caption ng isang nag-share ng naturang video. Tinawag niyang installer ng tempered glass ang mga nag-rally. Marami sa comments section ng post ang tila nanggatong pa at ginawang katatawanan ang pagtawag sa mga tagasuporta ni Pangulong Duterte na tagapaglagay ng tempered glass sa cellphone.
Nakaugat ang ganitong karakterisasyon sa mga kapatid nating Muslim dahil marami sa mga tindahang nagbebenta ng mga accessories ng cellphone dito sa Metro Manila ay mula sa Mindanao. Nakasuot ng hijab ang mga babae, at kufi at thobe ang suot naman ng mga lalaki. Hindi simpleng costume ang mga kasuotang ito; nakakabit ang mga ito sa pananampalatayang Islam. Nakalulungkot na pinalalaganap ng ganitong post ang mga tinatawag nating stereotypes o pagkakahon tungkol sa mga Muslim—mga taga-install lamang ng tempered glass.
May masama ba sa pagiging manininda, mga Kapanalig?
Sa isang bansang mas marami ang Kristiyano, maituturing na minorya ng ating populasyon ang mga taga-Mindanao, lalo na ang mga Muslim. Sa pagkakaaresto ng ipinagmamalaki nilang anak ng Mindanao, natural lang na makaramdam sila ng pagkalungkot at galit. Tayong mga wala sa kanilang lugar at hindi nakaiintindi sa pinanggagalingan ng kanilang emosyon ay mas makatutulong kung mananahimik muna. Imbes na palakihin ang pagkakaiba-iba natin sa gitna ng ingay sa pulitika, mainam na hayaan muna nating mailabas ang mga emosyon, subukan munang pakinggan ang kanilang sinasabi, at suriin muna ang magiging reaksyon sa kanila. Walang mabuting ibubunga ang gawin silang katatawanan o maliitin ang kanilang trabaho, pagkakakilanlan, at pagkatao.
May mga kasong isinampa laban kay Pangulong Duterte at ang proseso na ng batas ang magpapatunay ng kanyang pananagutan sa mga ito. Maraming tumutuligsa sa mga pamamalakad ng dating presidente, lalo na sa pagtugon niya sa aniya’y problema natin sa iligal na droga. Pero maghinay-hinay tayo sa pakikitungo sa mga walang nakikitang mali sa kanyang pamumuno.
Huwag na nating palalain ang sinasabi ng United Nations na “disturbing rise in anti-Muslim bigotry.” Laganap daw sa buong mundo ang tinatawag na Islamophobia o pagkamuhi sa mga Muslim. Ang gawing silang katatawanan at pangmamaliit sa kanila ay isang porma ng diskriminasyon. Mas matindi pa ang pag-uugnay sa kanila sa karahasan at terorismo.
Ang pagturing sa mga Muslim bilang mas mababa ay salungat sa solidarity, isang batayang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Sa kabila ng ating pagkakaiba-iba—relihiyon man o paniniwala sa pulitika—inuudyukan tayo ng ating pananampalatayang ituring ang ating kapwa bilang kapantay natin. Mababasa natin sa Juan 15:12 ang turo ni Hesus: “magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” Mahirap ito kung ikinakahon natin ang ating kapwa.
Mga Kapanalig, ramdam ang pagkakawatak-watak nating mga Pilipino sa nangyaring pag-aresto sa isang tinitingalang tao ng ilang kababayan natin. Huwag na natin itong palawakin, kahit pa sa social media.
Sumainyo ang katotohanan.