343 total views
Mga Kapanalig, hindi biro ang pinsalang idinulot ng Bagyong Paeng sa ating bansa nitong nakaraang buwan. Hindi natin sukat-akalaing magiging malawak ang sakop ng bagyo. Mula Luzon hanggang Mindanao, maraming komunidad ang lumubog sa rumaragasang baha o natabunan ng landslide. Daan-daan ang namatay at may mga hindi na natagpuan. Maraming imprastraktura ang nasira at kailangang kumpunihin.
At gaya ng inaasahan, napakalaki ng pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura. Umabot na sa 3.4 bilyong piso ang halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Paeng sa mga pananim, ayon sa Department of Agriculture (o DA). Mga sakahan at taniman sa labindalawang rehiyon ang naapektuhan ng bagyo. Halos 90,000 na magsasaka at mangingisda ang nahinto o tuluyang nawalan ng kabuhayan. Ayon sa datos ng kagawaran, halos 90,000 na ektarya ng lupa ang napinsala at mahigit sa 200,000 na tonelada ng produksyon ang nawala. Ang mga pangunahing produktong apektado ay palay, mais, ilang high-value crops, pangisdaan, babuyan, at manukan.
Isang dahilan ang nakaraang Bagyong Paeng kung bakit inihain ni Senador JV Ejercito ang panukalang batas na mag-uutos sa gobyernong magbigay ng subsidy o ayuda para sa tinatawag na crop insurance ng mga maliliit na magsasaka. Sila ang mga nagmamay-ari o nangangasiwa ng hindi hihigit sa walong ektaryang lupain. Sa ilalim ng Senate Bill No. 390, ang DA ay kailangang awtomatikong isama ang mga maliliit na magsasaka sa National Crop Insurance Protection Program ng pamahalaan. Sa sandaling maisabatas ito, babayaran ng DA ang kabuuang insurance premium ng mga magsasakang nagmamay-ari ng hanggang sa limang ektarya ng lupang agrikutural, at kalahati ng premium para sa mga nagsasaka ng higit sa limang ektarya ngunit hindi lalampas sa walong ektaryang lupain.
Ayon pa kay Senador Ejercito, hindi na kailangang sabihin at ipagdiinan pa ang kahalagahan ng crop insurance sa sektor ng agrikultura sa ating bansang laging tinatamaan ng mga kalamidad. Dagdag pa niya, tuwing nangyayari ang mga kalamidad katulad ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan, at ito ngang pandemya ng COVID-19, kabilang sa mga una at matinding naaapektuhan at nagdurusa ang mga magsasaka. Tandaan nating isa ang mga kababayan nating magsasaka sa mga pinakamahihirap na sektor sa ating bansa. Sa opisyal na datos, nasa 31.6% ang poverty incidence sa mga magsasaka; ibig sabihin, tatlo sa sampung magsasakang Pilipino ay kumikita nang mas mababa sa halagang itinakda upang masabing hindi mahirap ang isang tao. Ang poverty incidence na ito ay katumbas ng 5.5 milyong magsasaka. Kaya naman, malaking dagok sa kanilang buhay at kabuhayan ang mawalan ng kabuhayan dahil sa mga kalamidad.
Ang crop insurance para sa mga magsasakang apektado ng malalakas at mapaminsalang bagyo ay maituturing na isang konkretong paraan ng pagpapakita ng pamahalaan ng pinapahalagahan natin sa Simbahang pagtangi sa mga dukha. Ang pagtanging ito ay turo ni Hesus sa Lucas 6:20-21 kung saan binanggit niyang pinagpala ang mga dukha sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. Hindi dinadakila ni Hesus ang kahirapan habang kinamumuhian ang mga nakaririwasa; bagkus, pinapaalalahanan lamang Niya ang bawat isa sa ating makibahagi sa pag-ahon ng mga dukha mula sa mga realidad at karahasan sa buhay na nagdudulot ng kawalan ng katarungan, kahirapan, at ‘di pagkakapantay-pantay.
Mga Kapanalig, sa gitna ng marami at matitinding kalamidad sa Pilipinas, maituturing ang crop insurance na isang akma at mainam na tulong para sa ating mga maliliit na magsasaka. Mababawasan nito ang maraming pasaning karga-karga nila. Ito ay garantiyang hindi masasayang ang puhunan, pawis, at pagod na iginugugol nila sa kanilang pagsasaka. Harinawa’y maipasa ang panukalang batas na ito, at sakaling maging batas ay matagumpay na maitupad ang programang itatatag nito.