281 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ng United Nations ang ika-13 ng Oktubre taun-taon bilang International Day for Natural Disaster Reduction. Sinimulan ito noong 1989, at ang tema para sa taóng ito ay nakasentro sa pagpapababa ng bilang ng mga nasasawi sa mga kalamidad. Nagmula ang temang ito sa Sendai Framework for Disaster Risk Reduction 2015-2030, isang kasunduang nilagdaan noong nakaraang taon ng mga bansang kasapi ng United Nations. Nagtalaga ang Sendai Framework ng pitong layunin o targets, at isa nga rito ang pababain ang bilang ng mga taong namamatay dahil sa mga kalamidad.
Susi sa pangangalaga ng buhay laban sa panganib ng mga kalamidad gaya ng sunog, baha, bagyo at lindol ang kahandaan o disaster preparedness. Dito sa Pilipinas, masasabing pinakamatinding kalamidad na tumama ngayong taon ang El Niño o tagtuyot na hindi napaghandaan ng ating pamahalaan at mga magsasaka lalo na sa Mindanao. Dahil sa kakulangan ng kahandaan, marami ang kinulang ng makakain.
Kung hindi man mapipigilan ang pagtama ng mga kalamidad, mahalagang may sapat na kaalaman at kahandaan ang mga tao at nailalayo sila sa panganib ng sakuna. Kaya naman, bilang bahagi ng kampanya ng International Day for Disaster Reduction, hinihimok ang iba’t ibang bansa na ibahagi at alamin ang mga kanilang ginagawa upang matuto ang bawat isa kung paano higit na mapo-proteksyunan ang buhay sa gitna ng mga kalamidad.
Sa Pilipinas, masasabing unti-unti nang tumataas ang kamalayan ng mga tao tungkol sa mga kalamidad. Ang tanong: Tumataas rin ba ang ating kahandaan sa mga panganib ng kalamidad? May mga ginagawa ba ang ating mga pamayanan, katuwang ng pamahalaan, upang higit na maproteksyunan ang buhay?
Hindi simple ang paghahanap ng mabisang paraan upang mapangalagaan ang buhay ng tao sa harap ng iba’t ibang kalamidad. May mga pagkakataon ding ang sinasabing madali at simpleng solusyon ay hindi pala tama o mabisa. Isang halimbawa nito ang ginagawang paglilikas ng mga mahihirap na pamilyang naninirahan sa mga tabing-ilog sa Metro Manila. Ito ang tila simpleng solusyong naisip ng pamahalaan upang mailayo ang mga tao sa banta ng pagbaha. Dinadala sila sa mga resettlement sites sa mga karatig-probinsya tulad ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna. Doon sa kanilang pinaglipatan, marami ang naging mas mahirap dahil sa kawalan ng mga batayang serbisyo, tulad ng tubig at kuryente, at, higit sa lahat, dahil sa kawalan ng mapagkakakitaan. Nasasabi tuloy ng ilan sa kanila na bagamat nailigtas sila mula sa pagkalunod sa baha sa tabing-ilog, unti-unti naman silang pinapatay sa gutom at kahirapan sa mga resettlement sites.
Paano natin titimbangin ang magkabilang panig sa sitwasyong ito? Dapat pa nga bang ilipat ang mga pamilya mula sa tabing-ilog? Upang masagot ang mga tanong na ito, makatutulong na bumaling tayo sa mga katuruang panlipunan ng ating Simbahang Katolika. Sinasabi ng Simbahan na ang mga mahihirap ang nakararanas ng pinakamatinding epekto ng kasalukuyang krisis sa ating kapaligiran. Sa mga malalaking siyudad, sila ay nakatira sa mga lugar na mapanganib tirahán gaya ng tabing-ilog, gilid ng riles, at tambakan ng basura. Ngunit pinapaalala ng ating Simbahan na kung kinakailangan silang ilipat, hindi makatwirang dagdagan pa ang kanilang paghihirap. Hindi dapat gamiting dahilan ang banta ng kalamidad upang maglikas ng mga tao at ilipat sila sa mas kaawa-awang kalagayan. Upang maiwasang palalain ang kanilang sitwasyon, kailangang maagap silang binibigyan ng impormasyon at mga pagpipiliang mga disenteng matitirhan. At ang pinakamahalaga, sinasabi pa ng ating Simbahan, na ang mga taong direktang apektado ay nakalalahok sa proseso ng pagdedesisyon sa kanilang paglilipatan.
Mga Kapanalig, kasama ng paghahanda natin sa mga kalamidad ang hamong maghanap ng mga paraang magtatanggol sa dignidad ng tao habang pinoprotektahan ang buhay ng tao.
Sumainyo ang katotohanan.