207 total views
Hindi balido ang rason ng mga nagsusulong ng Sexual Orientation and Gender Identity bill (SOGI) o mas kilala na same sex union sa bansa na tanggalin ang diskriminasyon sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Lito Sandejas, adviser ng Alliance for Family Foundation Philippines Inc. (AFFPI) wala siyang nakikitang diskriminasyon sa mga batas sa bansa lalo na sa usapin ng employment dahil may mga pag-aaral sa ibang bansa na mas maraming babae ang mas mataas ang posisyon sa mga trabaho.
“Ang main justification, anti discrimination bill na purpose nito tanggalin ang diskriminasyon sa atin, wala naman akong nakikitang diskriminasyon, in fact may studies international ang source, ang Pilipinas ang isa sa mga bansang matataas ang posisyon ng mga babae sa board room at executives positions and employment, so walang disikriminasyon akong nakikita,” pahayag ni Dr. Sandejas sa panayam ng Radyo Veritas.
Isa pang nakikitang dahilan ni Dr. Sandejas ay sa usapin ng government documents gaya ng marriage license.
“Second comment, nakalagay sa anti discrimination bill na maaaring magkaroon ng same sex union, bawal magdeny ang government ng application for a license. Diba kasama ang marriage license sa lisensiya? Dapat ang gawin na lamang excluding marriage licence, kasi ang justification nila ay gusto lang nila ng legal rights sakaling ang magkaparehong sex ay gusto magsama o magshare ng properties, sa ngayon ang batas mahirap kasing gawin yun to legalize civil union, pwede naman gawin ang pag-share ng properties nila pero wag nila tawaging marriage dahil may ibang connotation yun, wag sana isama ang word na marriage,” dagdag pa ni Sandejas.
Kaugnay nito, ayon kay Dr. Sandejas, hindi mabuti ang impact ng same sex union sa mga bata na tatayo ang mga parehong kasarian na kanilang magulang lalo na at may pag-aaral na mas madalas mag-away ang same sex partners kumpara sa mga normal na mag-asawa o nagsasama.
“Hindi mabuti ang impact dahil sa international studies, ang magiging impluwesniya sa mga bata kung ano ang nakikita nila, like kung nag-aaway, madalas nag aaway yang same sex union based sa studies, madalas nagpapalit mas marami sila kumpara sa normal na magpartners na nagpapakasala, kawawa ang mga bata kasi mas nakikita nila ang madalas na pagpalit ng partner,” ayon pa sa adviser ng samahan.
Una ng hinimok ni Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani Jr. ang Simbahang Katolika na gamitin ang Misa, ang social media at mga catholic educational institutions para ipakalat ang tamang impormasyon sa publiko na hindi dapat maisabatas sa Pilipinas ang same sex union or the civil union of members of the LGBT community.
Hanggang nitong July ng 2016, nasa higit 20 bansa na ang nagsa-ligal ng same sex union.