226 total views
Dismayado ang Malacanang sa bansag ng isang French Newspaper kay Pangulong Duterte na serial killer dahil sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang pahayag ng pahayagan ay nagpapakita lamang ng kawalan ng mas malawak na kaalaman ng mga banyaga sa sitwasyon ng Pilipinas.
Ayon kay Abella, bukod sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga ay dapat ring bigyang pansin at pagkilala ang lahat ng mga nagawa at kasalukuyang programa ng administrasyon.
“I think that’s rather unfortunate. And for me, it demonstrates a profound lack of understanding of the Philippines situation. Considering the fact that it is a left-leaning paper, I believe they should have been more appreciative of other things that are happening in the Philippines…”pahayag ni Abella.
Inihalimbawa ni Abella ang kasalukuyang inisyatibo ng pamahalaan sa usapang pangkapayapaan o peace process na isinasagawa sa Oslo, Norway na malaki na ang naging development kumpara sa mga ginawa ng mga nakalipas na adminstrasyon.
“For example, the peace process in Oslo. They should have been more, they should have been more aware of that and more appreciative, rather than focus on these things which I think is really unfounded. Again and again, we have emphasized the fact that police actions and their campaign against illegal drugs really assumes that certain amount of regularity, na we stay within bounds”,dagdag pa ni Abella.
Samantala, magugunitang nauna ng inimbita ni Pangulong Duterte ang mga special rapporteurs ng iba’t ibang international organizations upang personal na makapagsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing Extra-judicial killings at human rights violation ng mga otoridad sa gitna ng War on Drugs sa bansa.
Sa kasalukuyan base sa records ng PNP, mahigit na 3,500-indibwal ang namatay sa mas pinag-iting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ganun pa man, naninindigan ang Simbahang Katolika na nararapat pa ring pairalin ang proseso ng batas at bigyang paggalang ang karapatang pantao maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.