11,563 total views
Caravan for Peace at Solidarity, suportado ng Archdiocese of Tuguegarao
Nagpaabot ng suporta si Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay para sa “Caravan for Peace and Solidarity: Padayon Prelatura sa Marawi” ng Aid to the Church in Need Philippines.
Ang Archdiocese of Tuguegarao ang nagsilbing pangalawang destinasyon ng Caravan na naglalayong makatulong sa muling pagpapatayo ng Pro-Cathedral ng Prelatura ng Marawi na naapektuhan ng Marawi Siege noong 2017.
Sa mensahe ni Archbishop Baccay para kay Marawi Bishop Edwin de la Peña ay tiniyak ng Arsobispo ang pakikiisa at suporta ng Arkidiyosesis ng Tuguegarao para sa misyon ng rehabilitasyon ng Simbahan sa Marawi.
“Please be assured of our support for you over there in our beautiful place of Marawi but very much in need of help to put up the church that was destroyed by war,” Bahagi ng mensahe ni Archbishop Baccay.
Hinimok din ng Arsobispo si Bishop de la Peña na manatiling matatag sa pananampalataya habang patuloy ang pagsisikap na maibalik ang Simbahan para sa mamamayan ng Marawi.
“Keep up the faith, Bishop. We are here together for the purpose of restoring the church our people really deserves to have.” Dagdag pa ni Archbishop Baccay.
Tampok sa caravan na mag-iikot sa 14 na arkidiyosesis sa buong bansa ang restored image ng Our Lady Mary Help of Christians ng Marawi, na nasira noong Marawi Siege.
Una ng inihayag ni ACN-Philippines National Director Maximus Ventura na layunin ng “Caravan for Peace and Solidarity: Padayon Prelatura sa Marawi” na makalikom ng pondo para sa pagtatayo ng Pro-cathedral ng Prelatura ng Marawi kasabay ng pagpapalakas sa diwa ng kapayapaan at pakikiisa para sa mga komunidad sa Marawi, sa pamamagitan ng konkretong suporta sa Prelatura ng Marawi na nakatakdang magdiwang ng ika-50 anibersaryo sa darating na Nobyembre, 2026.






