161 total views
Bangkok,Thailand — Naging tampok ang Pilipinas ng iba’t-ibang Humanitarian and Disaster Response Organization sa isinasagawang Aid and International Development Forum sa Bangkok,Thailand.
Ibinahagi ng mga International Organization katulad ng BBC Media action, Plan International at United Nations World Food Programme sa forum ang kanilang mga programa na ginagawa sa Pilipinas lalo na’t kilala ito sa pagiging “typhoon prone country”.
Maging ang Japan International Cooperation Agency at Save the Children Organization ay nagbigay din ng kanilang mga halimbawa na nakatuon sa disaster response sa Pilipinas na sinasabing ika-apat na bansa sa buong mundo na madalas tinatamaan ng kalamidad.
Ayon kay Father Ric Valencia, Priest Minister ng Disaster Risk Reduction Program ng Archdiocese of Manila at kalahok sa international forum na patunay lamang ito na malaking hamon para sa mga Pilipino ang kahandaan sa kalamidad lalo na’t malaki ang inaasahan dito ng international humanitarian organization.
“Mas kailangan maging handa tayo at maipakita sa international communities na may ginagawa tayo ganon na rin sa bahagi ng ating Simbahan.”pahayag ni Father Valencia sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng pari na kailangang maging equip at handa ang Simbahan sa anumang kalamidad dahil aabot sa 80 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay mga Katoliko.
Matatandaang taong 2013 ng manalasa sa Bansa ang bagyong Yolanda na naka-apekto sa may 14 na milyong katao.
Ang ginagawang AIDF summit 2016 ay dinaluhan ng mga Kinatawan mula sa 250 mga organisasyon sa buong mundo kung saan nakibahagi din ang Radyo Veritas at Caritas Manila.