172 total views
Dapat magpatupad na lamang ng isang patas na sistema ang Commission on Elections para sa paggastos ng lahat ng mga kandidato tuwing ang halalan sa bansa.
Ayon kay Prof. Ronald Simbulan – Vice Chairman ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) maari ito maging sagot sa patuloy na usapin ng overspending at maging ang hindi pagtatala ng tamang halaga ng gastos tuwing eleksyon.
Bukod dito, magbubukas rin aniya ito ng pagkakataon para sa mga may kakayahang maging lider ng pamahalaan na kumandidato sa kabila ng kakulangang pampinansyal.
“Sana magkaroon ng sistema sa ating bansa na yung mga kandidato whether sa local or sa national hindi na kailangang gumasto para equal yung, para maging patas kasi halimbawa kahit hindi mayaman pero competent naman na tumakbo at maging leader natin, may chance siya..” bahagi ng pahayag ni Prof. Simbulan.
Sa ulat ng Nielsen Media Monitoring Report, umaabot na sa P6.7 bilyon ang gastos sa political advertisement ng mga kandidato na tumatakbo sa dalawang pinakamataas na puwesto sa bansa bago pa man magsimula ang opisyal na kampanya noong ika-9 ng Pebrero.
Sa ilalim ng batas P10 lamang kada botante ang dapat na gastos ng bawat kandidato na tumatakbo sa National Position o dapat na katumbas lamang ng P540-milyon para sa 54 na milyong rehistradong botante.
Bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ukol sa politika na kinakailangan ang seryoso at kawalan ng sariling interes ng bawat kandidato sa posisyon.