6,550 total views
August 13, 2020
Hinikayat ni Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na ipadama ang pagmamalakasakit sa kapwa maging sila man ay nagtataglay ng novel coronavirus.
Ayon sa obispo na isang Covid-19 survivor, bagama’t kinakailangan silang ibukod dulot ng nakakahawang sakit ay hindi nawa nila maramdaman ang paglayo at pag-iwas.
Iginiit ng Obispo na maraming paraan para ipadama sa mga nagtataglay ng karamdaman ang kalinga ng kanyang kapwa lalu na sa panahon ng kanyang pag-iisa.
“Hindi dapat natin sila pabayaan. Totoo i-isolate sila, pero inspite of isolation we can still make some steps to draw close to them and make them feel na hindi naman sila pinabayaan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Pastoral Visit on-air ng Barangay Simbayanan.
Binigyan diin ni Bishop Pabillo na sa panahon ni Hesus kung saan laganap ang ketong at pinandidirihan ng marami ay patuloy niya itong kinalinga at ipinaramdam na hindi sila nag-iisa.
“Si Hesus nga, He integrated people back to the community. Hindi lamang pinagaling, He integrated them back to the community. At tayo sana ganundin, kaya yung hamon sa atin is how do we minister for those who are sick with covid,” dagdag pa ng obispo.
Ayon kay Bishop Pabillo, ilan sa maaring gawin ay ang pangangamusta, pagdadala ng kanilang pangangailangan at suporta sa kanilang agarang paggaling.
Si Bishop Pabillo ay nagpositibo sa Covid-19 na bagamat isang asymptomatic ay sumailalim sa quarantine upang hindi na makahawa at tuluyang gumaling mula sa karamdaman.
Bukod kay Bishop Pabillo, ilang pang mga lingkod ng simbahan ang nagtatagkay ng Covid-19 kabilang na si Bishop-emeritus Deogracias Iniguez, at apat na pari mula Diyosesis ng Kalookan at Archdiocese ng Caceres.
Nauna rito, naglabas ng joint Pastoral Statement sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Seminaries at San Jose Bishop Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na humihikayat sa lahat ng mananampalataya lalu na sa lahat ng Church institution na tumugon sa COVID-19 pandemic “with the eyes of faith, with the heart of charity and with the armor of truth”.
Ang joint pastoral statement ay inindorso ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, pangulo ng C-B-C-P.
attachment:
https://www.veritas846.ph/joint-pastoral-message-of-cbcp-ecs-and-eccce/