639 total views
Kapanalig, nakakapangingilabot ang ginagawa ng ilang mga tao para lamang kumita at matugunan ang kanilang maiitim na pagnanasa. Sa buong mundo, ang online exploitation ay kalat na, at ang mga bata pa ang kanilang pangunahing biktima. Ayon nga sa mga eksperto, ang online sexual abuse ay ang modernong mukha ng human trafficking.
Napadali ng internet, kapanalig, ang exploitation ng mga kabataan sa buong mundo. Wala na itong pinipili – nangyayari ito sa lahat ng bansa, at sa lahat ng antas ng lipunan. Ayon sa UNICEF, tinatayang mga 120 milyong batang babae na may edad 20 pababa ang pinilit na gumawa ng sexual acts. Maaring mas marami pa ang bilang na ito dahil ang mga biktima ng sexual violence, mapapababae man o lalake, ay madalang magsumbong. At dahil nga sa teknolohiya, ang mga gawaing ito ay madaling mavideo at ikalat sa web. Ayon sa UNICEF, mga 80% ng mga bata sa 25 na bansa ay nagsasabi na natatakot sila sa banta ng online sexual abuse or exploitation.
Ngayon nga, kapanalig, ang Pilipinas pa ang naging epicenter ng online abuse sa buong mundo. Tayo na ang sentro ng live stream sexual abuse. Ayon sa UNICEF, Walo sa sampung bata sa Pilipinas ay bulnerable sa online sexual abuse or bullying. 2.5% din ng mga bata sa ating bansa ay nailantad na ang kanilang hubad na katawan o gawaing sekswal sa internet o cellphone.
Mas lumala pa ang sitwasyon na ito noong panahon noong quarantine, kapanalig. Tumaas ng 264.6% ang kaso ng online sexual abuse and exploitation of children mula March hanggang May 2020. Sa Facebook, mga 279,166 na imahe ng sexual abuse ang nakita mula March hanggang May 2020.
Nasaan na ba ang mga magulang na dapat magbibigay ng pag-aaruga at proteksyon sa mga bata? Kapanalig, kadalasan, ang mga magulang o ibang kaanak pa mismo ang siyang nagbebenta ng mga imahe ng kanilang mga anak sa Internet. Dahil sa kahirapan, ang mga magulang na mismo ang nangunguna sa pang-aabuso sa kanilang mga anak.
Kailangang masupil na ang ganitong gawain. Ayon kay Pope Francis sa Laudato Si: ating tinatrato ang tao bilang mga objects o bagay lamang, at ginagamit sila upang matugunan ang ating pagnanasa at pangangailangan. Hindi dapat ito nangyayari, kapanalig. Ang mga bata ay ating kayamanan, sila ang ating kinabukasan. Sa ating pagmamahal at pag-aaruga sila ay umaasa. Kung sa sariling tahanan sila ay nilalapastangan, saan pa sila pupunta?
Sumainyo ang Katotohanan.