906 total views
Mga Kapanalig, kasama ba kayo sa mga naapektuhan ng matinding pagbaha nitong mga nakaraang linggo? Usap-usapan na naman ang mga itinuturong dahilan ng tila lumalalang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa. Dito sa Luzon, isang sanhi raw ng pagbaha ang land reclamation o pagtatambak ng lupa sa Manila Bay.
Matapos ang ikalawang SONA ni Pangulong Marcos Jr. noong Hulyo, marami ang nadismaya sa hindi pagbanggit ng mga isyung pangkalikasan katulad ng reklamasyon sa Manila Bay. Matagal nang panawagan ng mga civil society organizations at mga siyentipiko ang pagtigil sa mga reclamation projects na nakapipinsala sa coastal ecosystems at hanapbuhay ng mga mangingisda.
Nitong Agosto naman, nagpahayag ng pagkabahala ang US Embassy sa mga reclamation projects sa Manila Bay lalo na’t sangkot ang China Communications Construction Co. (o CCCC), isang kumpanyang blacklisted ng Amerika dahil sa papel nito sa pagtatayo ng mga artificial islands sa South China Sea. Markado rin ng World Bank at Asian Development Bank ang Chinese company na ito sa tiwaling business practices. Sinasabing ang CCCC, sa pamamagitan ng subsidiary company nito, ay may 318 ektaryang mixed-use development project na kasama diumano ang kumpanya ng negosyanteng si William Gatchalian na ama ni Senador Win Gatchalian. Gaya ng inaasahan, agad na dinipensahan ng senador ang proyekto at sinabing dumaan daw iyon sa tamang proseso.
Bilang tugon sa mga panawagan ng iba’t ibang grupo, kasalukuyang isinasagawa ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ang cumulative impact assessment o pagsusuri sa pinagsama-samang epekto ng mga reclamation projects sa Manila Bay. Pahayag ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, naproseso ang bawat proyekto nang walang pagsasaalang-alang sa kabuuan at pinagsama-samang epekto ng mga ito.
At nitong nakaraang linggo, sinuspinde ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat ng reclamation projects sa Manila Bay, maliban sa isang proyekto. Aniya, sumasailalim sa pagsusuri ang mga ito dahil sa nakitang mga problema sa pagsasagawa ng maraming proyekto. Nilinaw naman ng DENR na lahat ng 22 reclamation projects sa Manila Bay ang sinuspinde matapos manawagan ng transparency ang iba’t ibang grupo sa nasabing exempted na proyekto. Gaya ng sinabi ng grupong Kalikasan People’s Network for the Environment, ang ginawang paglilinaw na ito ng DENR ay isang halimbawa kung paano nagagawa ng kolektibong pagkilos ng mga concerned citizens na magsulong ng mga patakarang mangangalaga sa ating kapaligiran, sa ating common home. Sang-ayon din tayo sa pagsasagawa ng cumulative impact assessment ng DENR dahil ayon nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan, hindi natin maaaring baguhin ang isang bahagi ng ecosystem nang hindi isinasaalang-alang ang epekto nito sa iba pang mga bahagi. Lahat ay magkakaugnay.
Hindi natatapos sa suspensyon ng mga reclamation projects ang laban para sa pangangalaga sa kalikasan, kabuhayan ng mga mangingisda, at kapakanan ng ating mga komunidad. Batay sa mga pag-aaral at karanasan ng mga apektadong sektor, hindi sapat ang pansamantalang pagpapatigil sa mga land reclamation projects sa Manila Bay. Kailangang permanenteng itigil ang mapaminsalang reklamasyon. Kailangang isama rin sa pagsusuri ng gobyerno ang mga mamamayan, lalo na ang mga apektadong komunidad. Gawing prayoridad sana ng pamahalaan ang kapakanan ng kalikasan at mga komunidad, at huwag sanang manaig ang vested interest ng mga nasa poder at ang kikitain ng mga kumpanya. Gaya nga ng sinabi sa Levitico 25:23, hindi natin maipagbibili nang lubusan ang lupain—o ang baybayin—sapagkat ito ay sa Diyos.
Mga Kapanalig, patuloy nating ipaalala sa gobyerno ang obligasyon nitong paglingkuran ang publiko. Tanungin natin: para kanino nga ba ang mga sinasabing development projects katulad ng reklamasyon sa Manila Bay? Para kanino nga ba ang sinasabing pag-unlad na idudulot ng mga ito?
Sumainyo ang katotohanan.