25,046 total views
August 14, 2020
Manila,Philippines– Higit sa isang libo pitong daang mga jeepney driver ang tatanggap ng tulong mula sa Caritas Manila na lubhang apektado ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Fr. Moises Ciego, head for Special Operations ng Caritas Manila, limang buwan nang walang pasada ang mga tsuper dahil sa umiiral na community quarantine kaya napipilitang mamalimos na lamang.
Bilang tugon ng simbahan, kabuuang 1,717 mga jeepney drivers sa Makati city ang tatanggap ng manna bags.
Inihayag ni Fr. Ciego na ang pamimigay ng tulong ay hinahati sa ilang grupo upang masunod ang physical distancing at matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
Bukod sa Manna bags, isasangkot ang mga driver sa Caritas Salve na kooperatiba ng Caritas Manila upang matugunan ang kanilang livelihood.
“Hindi lamang yun ang aming intensyon, kaya gina-gather natin ang mga drivers dahil pinaplano ng Caritas Manila sa pamamagitan ng Caritas Salve ‘yung cooperative part ng Caritas Manila na isangkot sila sa isang kooperatiba. Kasi alam po naman natin na darating ang panahon na ipi-phase out ang kanilang mga jeep,” ayon kay Fr. Ciego.
Ibinahagi ng Pari na pinag-aaralan sa kasalukuyan ng mga manager ng Caritas Salve na tulungan ang mga jeepney driver maka-loan upang makabili ng modern jeep.
“Kaya ang mga managers ng Caritas Salve pinag-aaralan kung paano po sila magiging miyembro at paano magiging advantageous sa kanila ang pagiging miyembro sa kooperatiba and later on matutulungan silang makaloan o garantiyahan para makautang makabili ng bagong jeep”.paglilinaw ni Fr. Ciego
Nanatili pa rin ang pangamba ng mga tsuper ng traditional jeep na hindi na sila makapag-hanapbuhay dahil na rin sa isinusulong na modernization program sa pampublikong transportasyon.
Naunang inihayag ni Fr. Anton CT. Pascual, executive director ng Caritas Manila na kabilang sa long term solution ng simbahan sa suliranin ng mga tsuper ang pagbuo ng kooperatiba para magkaroon ng pansariling pagkakakitaan.
Noong ika-13 ng Agosto 2020, umabot sa 165 na jeepney drivers ang binigyan ng Caritas Manna bags sa Tutuban, Tondo, Manila.
300-daang jeepney drivers sa Taguig City ang binigyan din ng tulong ng Caritas Manila.