384 total views
Mga Kapanalig, nais ni Senador Raffy Tulfo na maimbestigahan sa Senado ang kalagayan ng mga pasyente sa mga pasilidad ng National Center for Mental Health (o NCMH). Ito ay matapos makatanggap ng mga reklamo ang kanyang tanggapan tungkol sa hindi maayos na sitwasyon ng mga pasyente roon.
Sa ginawang surprise visit ng senador noong ika-27 ng Marso, nakita niya mismo ang kalunus-lunos na estado ng mga pasyente roon. Hindi raw kaaya-aya ang amoy ng mga ward dahil sa dumi at ihi ng mga pasyente. Umaalingasaw din ang amoy ng basurang nakatambak sa labas lang ng ward. Dagdag pa ni Senador Tulfo, sa sahig lamang siksikang natutulog ang mga pasyente. Wala man lang silang banig, kumot, o unan. Mistulang pugon din ang ward sa tindi ng init. Walang maayos na bentilasyon at kulang ang mga electric fans.1
Sa inihain niyang Senate Resolution No. 562, hinimok ng senador ang Senate Committee on Health na imbestigahan ang kalagayan ng mga pasilidad sa NCMH upang matiyak na nabibigyan ng wastong pangangalaga, paggamot, at suporta ang mga pasyenteng nasa naturang center.
Matatandaang minsan nang niyanig ng kontrobersya ang NCMH nang masiwalat ang mga iregularidad sa pagpapatayo ng isang pavilion doon. Noong 2019, nagsampa ng graft complaint sa Office of the Ombudsman si NCMH medical chief Dr. Roland Cortes laban kay NCMH chief administrative officer Clarita Avila dahil sa mga construction deals na iginawad sa isang kumpanyang si Avila diumano ang incorporator. Ayon kay Dr. Cortes, may monopolyo si Avila sa mga proyekto sa NCMH.2 Noong Hulyo 2020, pinatay si Dr. Cortez at isang NCMH driver habang sila ay bumibiyahe. Inaresto si Avila matapos siyang ituro ng mga suspek bilang mastermind. Nakadidismayang nilustay ang pondong nakalaan dapat sa pagpapabuti ng sitwasyon ng mga pasyente sa NCMH.
Nakapaloob sa Principles for the Protection of Persons with Mental Illness ng United Nations na may karapatan ang mga taong may sakit sa isip sa pinakamahusay na serbisyo para sa pangangalaga sa kalusugan ng isip. Dapat bahagi ito ng social and health care system ng isang bansa. Nakasaad din dito na lahat ng taong may sakit sa pag-iisip ay dapat itinatrato nang may paggalang sa kanilang dignidad.3
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na may angking dignidad ang bawat tao, anuman ang kanyang mentál at pisikal na kakayahan. Bilang bahagi ng isang lipunan, may tungkulin tayo, lalo na ang pamahalaan, na magsumikap na tiyaking namumuhay nang marangal at may dignidad ang mga taong may problema sa pag-iisip. Gaya nga ng sinasabi ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, ang paglilingkod ay nangangahulugan ng pagkalinga sa mahihina, para sa mga mahihinang miyembro ng ating mga pamilya, ng ating lipunan, at ng ating bayan.4 Ang mga kapatid nating may kondisyon sa pag-iisip ay isa sa mga pinakamahihinang miyembro ng ating lipunan. Pinabibigat ng katiwalian ang kalbaryong pinapasan nila sapagkat nilalabag nito ang karapatan nila sa makataong serbisyo. Wika nga sa Exodo 23:8, ang katiwalian ay “bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.”
Mga Kapanalig, hindi makatao ang kahabag-habag na sitwasyon ng mga kapatid nating nasa institusyong inaasahang dapat nagpapagaling sa kanila. Paano sila tuluyang gagaling mula sa kanilang mga karamdaman kung pinagkakaitan sila ng mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan? Matagal nang problema sa NCMH ang nakitang sitwasyon ni Senador Tulfo. Dapat lang na magkaroon ng imbestigasyon nang mapanagot ang mga tiwali at pabayáng opisyal. Higit sa lahat, panahon nang mabigyang-prayoridad ang pagpapabuti sa kalusugang pangkaisipan ng mga pasyente ng NCMH nang sa kanilang lubusang paggaling ay makapiling nila ang kanilang mga mahal sa buhay at makapag-ambag din sila sa ating lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.