Malaking responsibilidad ang pagiging guro, kapanalig. At ang responsibilidad na ito ay napakahirap, lalo na sa panahon natin ngayon kung saan kabi-kabila ang pressures ng tao. Ang mga guro natin ay hindi immune sa mga pressures na ganito. Katulad natin, may mga hamon din sila sa buhay – may mga pamilyang binubuhay at mga problemang iniinda sa gitna ng tuloy tuloy na pagtaas ng cost of living sa ating bayan.
Sa gitna ng mga hamon na ito, hindi dapat mawaglit sa isipan ng mga guro na ang karahasan o violence ay walang puwang sa ating lipunan. At kahit kailan hindi ito magiging tama. Hindi natin dapat binibwelta ang ating tension sa mga estudyante. Dapat ang guro ay modelo ng pasensya at kalawakan ng pag-unawa.
Ang mga guro ay katuwang ng pamilya at lipunan sa pagpapalaki ng ating mga kabataan. Sa murang edad pa lamang, ang mga bata ay nagpupunta na sa mga guro upang matuto. Ang mga guro ang nagiging gabay ng mga bata. Mula sa pagbabasa, pagsusulat, pagbibilang, sa guro ito karaniwang unang natutunan. Pati sa pakikisalamuha sa tao, sa guro din ito natutunan ng maraming kabataan. Sila ang partner ng mga mga magulang at nagsisilbing liwanag na nagbubukas ng kaisipan ng kanilang mga anak.
Sa ganitong papel ng mga guro, sila rin ang nagbubukas ng daan para sa pag-unlad ng bansa. Sa kanilang turo at gabay, nagiging maalam at eksperto ang mga kabataan. Kapag ang guro ay dedicated at tunay na mahal ang kanyang bokasyon, nahuhubog nila ang mga kabataan upang maging produktibong miyembro ng lipunan. Hindi matatawaran ang kanilang papel sa ating bayan.
Kapanalig, ang mga nangyayaring karahasan sa ating mga paaralan, kasama na rin ang mga reports ng grooming at pang-aabuso sa mga estudyante, ay ebidensya na hindi na natin naibibigay ang tamang suporta at pagsasa-ayos sa hanay ng mga guro sa ating mga eskwelahan. Maraming dedicated teachers na overworked na, underpaid pa rin, maraming teachers ang nangangailangan na ng mental health counseling, at marami na ring teachers, hindi natin matatatwa, ang hindi nababagay na makasama pa ng mga kabataan. Baka ito dapat ang tutukan ng Department of Education ngayon.
Dinggin sana natin ang payo nang A Call to Action o ng Octogesima Adveniens, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Dadami ang mga taong hindi makahanap ng trabaho at maghihirap sa mga darating na taon kung mamanatili tayong walang konsensya at hindi magsasagawa ng mga mga paraan at pamumuhunan upang maisaayos hindi lamang ang ekonomiya at kalakalan ng bansa, kundi pati ang edukasyon.
Sumainyo ang Katotohanan.