842 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang talumpati noong nakaraang linggo sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day, sinabi ni UN Secretary-General Antonio Guterres na ang press freedom o kalayaan sa pamamahayag ay ang pundasyon ng demokrasya at hustisya. Nakasalalay dito ang lahat ng ating mga kalayaan. Ngunit sa buong mundo, patuloy ang mga banta at lantarang pag-atake sa press freedom. Patuloy ang pagbabaluktot sa katotohanan katulad ng disinformation at hate speech. Patuloy ang pangha-harass, pananakot, pagkulong, at pagpatay sa mga journalists. Ayon nga sa New York Times, kapag gumuho ang malayang pamamahayag, tiyak na kasunod nito ang pagguho ng demokrasya.
Kumusta nga ba ang press freedom sa Pilipinas?
Batay sa Press Freedom Index ng Reporters Without Borders, tumaas ng labinlimang puwesto ang Pilipinas sa ranking ng 180 na bansa. Mula sa ika-147 na puwesto noong 2022, naging ika-132 na ito ngayong 2023. Sinusukat ng Press Freedom Index kung gaano kalaya ang pamamahayag sa isang bansa. Sa madaling salita, bahagyang bumuti ang press freedom sa Pilipinas ngunit nananatili pa rin itong mapanganib para sa mga mamamahayag.
Ang pagpapawalang-sala kay Nobel Peace Prize winner Maria Ressa sa kasong tax evasion noong Enero ay itinuturing na tagumpay at pag-asa para sa katotohanan sa kabila ng malagim na sitwasyon ng press freedom sa bansa. Gayunpaman, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., naitala ng National Union of Journalists of the Philippines ang 60 kaso ng press freedom violations. Kasama rito ang hindi pa nareresolbang pagpatay noong nakaraang taon sa mga broadcasters na sina Rey Blanco at Percy Lapid. Nananatili ring nakakulong ang journalist na si Frenchie Mae Cumpio na inaresto noong 2020 sa Tacloban. Ang hindi makatarungang pag-aresto sa kanya ay isa lang sa maraming kaso ng paglabag sa press freedom sa Pilipinas.
Ayon pa sa Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists, ang Pilipinas ang ikapito sa pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Ang patuloy na paglaganap ng fake news, red-tagging, harassment, pati na ang pag-aresto base sa gawa-gawang mga kaso at pagpatay sa mga kritiko ng gobyerno ay malinaw na pag-atake sa press freedom. Nagdudulot din ito sa tinatawag na chilling effect kung saan nagkakaroon ng self-censorship hindi lang sa mga journalists kundi pati na rin sa mga kasapi ng tinatawag na civil society na kinabibilangan naman ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao at malinis na pamamahala. Nagiging laganap ang takot sa pagbabalita at pagtalakay ng mga sensitibong isyu, lalo na kung ito ay tungkol sa mga kakulangan, kapabayaan, at katiwalian ng gobyerno.
Dahil sa pagtaas ng mga kaso ng pagbabanta, pag-atake, at pagpatay sa mga journalists at human rights defenders sa Pilipinas, nanawagan noong 2022 ang mga bansang kasapi ng United Nations Human Rights Council sa administrasyong Marcos, Jr. na tugunan ang laganap na impunity sa bansa. Mag-iisang taon na sa puwesto si PBBM, pero marami pa itong kailangang gawin at patunayan upang masiguro ang ligtas at malayang pamamahayag.
Ang World Press Freedom Day ay nakaugat sa pagkilala sa freedom of speech o expression bilang tagapagsulong ng mga karapatang pantao. Kaakibat nito ang pagkilala sa katotohanang hindi basta-bastang nakabatay sa idinidikta ng mga may kapangyarihan at impluwensya. Sa Fratelli Tutti, idiniin ni Pope Francis na dapat nating matutunang ilantad ang iba’t ibang paraan ng pagmamanipula, pagbabaluktot, at pagkukubli sa katotohanan.
Mga Kapanalig, kinikilala natin sa Simbahan ang mahalagang papel na ginagampanan ng media at ng mga mamamahayag sa paghahatid ng katotohanan at pagbibigay-boses sa mga nasa laylayan sa kabila ng mga panganib na kaakibat nito. Suportahan natin ang pagsusulong sa malayang pamamahayag nang maisiwalat ang katotohanang ayon nga sa Juan 8:32 ay magpapalaya sa [atin].
Sumainyo ang katotohanan.