1,183 total views
Kapanalig, mas pamilyar tayo sa mga bullying at harassment na nagaganap sa mga paaralan o sa hanay ng mga kabataan. Pero alam mo ba na madalas din itong nangyayari sa workplace o sa trabaho?
May isang pag-aaral ang International Labour Organization na binahagi nitong Disyembre 2022 lamang na nagpapakita na laganap o prevalent ang violence at harassment, pisikal man, mental o sekswal sa mga workplaces sa buong mundo. Ayon sa kanilang survey kung saan kasama ang ating bansa, mahigit isa sa limang tao o 22.8% ang nakakaranas nito. Tinatayang mga 743 milyong katao ang biktima nito.
Iba-ibang uri ng harassment ang kanilang natanggap, ngunit ang pangunahin dito ay ang psychological harassment gaya ng pang-iinsulto, pagbabanta, bullying, pati na intimidation. Tinatayang mga 583 milyong katao ang nakaranas nito ayon sa survey.
Marami ring nakaranas ng sexual violence at harassment, at kadalasan, babae ang biktima nito. Umaabot sa 205 milyon ang maaring biktima nito. Mas marami namang lalake ang biktima ng physical violence. Tinatayang umaabot ito ng 277 million.
Hindi makatarungan ang mamuhay at magtrabaho sa ilalim ng banta o panganib ng karahasan. Ang mga perpetrators nito ay gumagamit ng kapangyarihan upang mambiktima. Maraming mga biktima naman ang kadalasang hirap maka-alis agad sa trabaho o magresign, lalo sa panahon ngayon ng kahirapan sa buong mundo. Minsan wala rin silang malapitan dahil sila ay bata pa, o di kaya mga migrante. Marami rin, nahihiya o natatakot mag-report. Kaya’t hindi biro ang psychological, mental, at emotional stress ang pinagdadaan ng mga biktima nito.
Kapanalig, kailangang harapin natin ang problema ng karahasan at harassment sa ating mga pinagtatrabuhan. Ang ating workplace ay dapat ay ligtas na lugar o safe place para sa ating lahat. Malaking bahagi ng ating buhay ang ginugugol dito. Ito dapat ay maging isang kanlungan ng kagalingan at suporta.
Dapat ang bawat opisina at kumpanya, kahit gaano pa ito kalaki o kaliit, ay may mga mekanismo at paraan upang mapanatiling lugar ng kapayapaan at produktibidad ang trabaho. May mga grievance mechanisms sana ang mga ito upang may pupuntahan ang mga biktima upang ireport ang kanilang naranasan na walang takot na gagantihan o sasaktan pa sila. Dapat din ay may malinaw na sanctions ang mga perpetrators nito. Kailangan din may mga paraan at tools na maaring magamit upang ma-prevent o mapigilan ang mga ganitong pangyayari.
Violence has no place in our society. Sa kanyang annual Christmas message sa mga kardinal nitong nakaraang taon, kinondena ni Pope Francis ang karahasan: “Besides the violence of arms, there is also verbal violence, psychological violence, the violence of the abuse of power, the hidden violence of gossip…no one should “profit from his or her position and role in order to demean others.” Mapukaw sana ng mga katagang ito ang ating kamalayan ukol sa karahasan at harassment sa mga lugar na ating pinagtatrabahuhan.
Sumainyo ang Katotohanan.