1,933 total views
Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) na higit na mabuksan ang kamalayan ng lahat sa patuloy na suliranin ng human trafficking.
Ito ang dalangin ng CBCP Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) sa pagsasagawa ng National Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking sa ika-5 ng Pebrero, 2023.
Ayon sa CCAHT, nawa ay maging epektibo ang deklarasyon ng CBCP sa taunang paggunita ng National Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking (NDPAHT) upang higit na mahikayat ang lahat na makialam at tumugon para protektahan ang kababaihan, kabataan at mahihirap na sektor ng lipunan.
“We expect this declaration will help heighten the consciousness of Churchgoers and faith communities on the issue and will encourage them to protect their respective families, particularly women and children, against trafficking,” pahayag ng CBCP Cluster Against Human Trafficking
Kasunod ng deklarasyon ng CBCP sa katatapos na 125th Plenary Assembly sa unang Linggo sa buwan ng Pebrero bilang araw ng pananalangin at pag-alala sa mga biktima ng modern-day slavery sa bansa ay inihayag ng CCAHT ang pagpapaigting sa mga programa laban sa human trafficking.
Ayon sa organisasyon na binubuo ng iba’t ibang kumisyon ng CBCP kabilang sa paiigtingin ng CCAHT ang capacity-building measures ng mga diyosesis upang agad na matugunan ang mga kaso ng human trafficking sa iba’t ibang lugar.
“As the Philippine Catholic Church institutionalizes this annual celebration of NDPAHT, we are also happy to announce that this year, we will embark on a vigorous education and action program within the Church. The CCAHT will implement consultation and capacity-building measures among the Church regional groupings and engage in research to trace and track down areas where human trafficking is rampant. We aim to develop capacity and structure in dioceses, in the spirit of respect for human dignity and human rights, and journeying in inter-ministeriality, to respond to the situation that the local communities face,” dagdag pa ng CCAHT.
Pagbabahagi ng CCAHT, buo ang determinasyon ng Simbahan na tugunan ang patuloy na suliranin ng tila pangangalakal sa tao na nag-aalis sa dignidad na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa.
Sa ika-5 ng Pebrero ay angungunahan ni CBCP Vice President Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang Banal na Eukaristiya ganap na alas-12:15 ng tanghali sa Archdiocesan Shrine of Mary, The Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine na susundan naman ng candle lighting para sa mga biktima at survivors ng human trafficking.
Taong 2016 ng itinatag ang CBCP Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) upang manguna sa pagtugon ng Simbahang Katolika sa laganap na human trafficking.
Makalipas ang halos limang taon noong 2021 ay higit pang pinalawig ang CBCP Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) kung saan napabilang na din ang CBCP Episcopal Commissions on Health Care, Family and Life, Indigenous Peoples, at Committee on Public Affairs.