36,973 total views
Nagpaabot ng panalangin ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas para sa nakatakdang 130th Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na isasagawa sa Bohol sa kauna-unahang pagkakataon.
Ayon kay LAIKO National President Francisco Xavier Padilla, mahalagang ipanalangin ang paggabay ng Espiritu Santo para sa nakatakdang pagpupulong ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa kung saan inaasahan din ang paghahalal ng mga Obispo ng bagong pamunuan para sa iba’t ibang komisyon ng CBCP.
Paliwanag ni Padilla, mahalaga ang gabay ng Banal na Espiritu sa mga Obispo na nagsisilbing pastol sa kawan ng Panginoon upang ganap na mapagnilayan, matalakay at mapagdesisyunan ang mga usaping dapat na tutukan at bigyang pansin ng Simbahan sa kasalukuyang panahon.
Kabilang sa partikular na tinukoy ni Padilla ang patuloy na armadong sagupaan na nagaganap sa iba’t ibang bansa gayundin ang kinahaharap na krisis ng Pilipinas sa usapin ng pulitika at ekonomiya.
“LAIKO joins the Philippine LAITY in praying for the 130th CBCP Plenary Assembly this week in Bohol. It is a remarkable time in the world, na ang daming nangyayaring away, at importanteng panahon din sa Pilipinas – sa politika, pamilya at ekonomiya. Kaya’t importanteng ipagdasal ang mga Obispo natin, na gabayan sila sa mga paguusapan nila, at sa kanilang eleksyon.” Bahagi ng pahayag ni Padilla sa Radyo Veritas.
Inaasahang kabilang sa tatalakayin sa gaganaping pagpupulong ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa ang higit na pagsusulong sa aktibong partisipasyon ng mga layko partikular na ang mga kababaihan sa mga gawaing pang-Simbahan bilang pagsasakatuparan ng isang ganap na Simbahang Sinodal.
Nakatakda ang 130th Plenary Assembly ng CBCP sa kauna-unahang pagkakataon sa lalawigan ng Bohol, Aklan mula June 30 hanggang July 7, 2025 sa ilalim ng pangangasiwa at paghahanda ng Diyosesis ng Tagbilaran at Talibon.