45,143 total views
Mabuting pagpapasya, prayer intention ni Pope Leo XIV
Inilaan ng Simbahang Katolika ang intensyon ng pananalangin para sa buwan ng Hulyo sa higit na paglaganap ng pagninilay ng bawat isa sa pagkakaroon ng mabuting pagpapasya.
Bahagi ng panawagan ni Pope Leo XIV ang pananalangin na matutunan ng lahat na ganap na makapagnilay upang makapagpasya ng naayon sa Mabuting Balita at plano ng Diyos para sa bawat isa.
“Let us pray that we might again learn how to discern, to know how to choose paths of life and reject everything that leads us away from Christ and the Gospel.” Bahagi ng mensahe ni Pope Leo XIV.
Inihayag ng Santo Papa na sa pamamagitan ng ganap na pagpapakumbaba at pagtanggap sa lahat ng kahinaan at mga pagkakasalang nagawa ay tunay na masusumpungan ang paggabay ng Banal na Espiritu tungo sa landas, paghilom, biyaya at plano ng Diyos para sa bawat isa.
Ipinaliwanag ni Pope Leo XIV na ito ay mga hakbang upang muling makapagbalik loob at magkaroon ng tunay at mas malalim na pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
“In order to discern, it is necessary to place oneself in truth before God, to enter into oneself, to admit one’s own weaknesses, and to ask the Lord for healing… These are the steps to rebirth through an authentic relationship with God.” Dagdag pa ni Pope Leo XIV.
Ipinapanalangin rin ng Simbahan na ang bawat desisyon o pagpapasya na gagawin ng bawat isa ay para sa makabubuti sa kanilang buhay at kinabukasan.
Samantala, ibinahagi rin ni Pope Leo XIV ang kanyang ‘Prayer for Discernment’ na maaari din magsilbing gabay ng bawat isa para sa pananalangin para sa pagkakaroon ng mabuting pagpapasya.