32,183 total views
Pangungunahan ng Commission on Ecology ng Diocese of San Pablo ang ‘Rally para sa Pakil, Kalikasan at Kultura’ na nakatakda sa Sabado, ika-5 ng Hulyo, 2025.
Katuwang ang iba pang institusyon kabilang na ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), mga makakalikasang grupo, iba pang mga denominasyon, at mga grupo na tumututol sa proyektong Ahunan Dam sa Pakil, Laguna ay inaanyayahan ng diyosesis ang bawat isa na makibahagi sa pagkilos upang ipakita ang sama-samang paninindigan sa panawagang itigil ang pagwasak ng kalikasan at pagyurak sa mga karapatang pantao sa lugar.
“This Saturday July 05,2025 the Catholic Church together with other church denominations, NGOs and civil society groups with many Pakilenyos would be expressing our opposition on the ongoing cutting of trees.” Bahagi ng paanyaya para sa CMSP.
Kabilang sa partikular na tinututulan ng Simbahang Katolika at ng mga makakalikasang grupo ang ginagawang pagpuputol ng mga puno sa Mt. Pingas sa Pakil, Laguna na bahagi ng Sierra Madre Mountain Ranges.
Mariin ding kinukundina ng mga makakalikasang grupo ang epekto sa mga residente ng Pakil, partikular na sa Sitio Pinagkampohan ng itinatayong Ahunan Pumped Storage Hydropower Project kung saan naapektuhan rin ang kabuhayan ng mga magsasaka na hirap ng makarating sa kanilang mga sakahan sa bundok habang pinagbabawalan naman ang mga mangingisda sa ilang bahagi ng Laguna Lake.
“With the ongoing cutting of hundreds if not to thousands of trees in mountains Pakil Laguna, of Pingas and Inumpog which are part of the Sierra Madre Mountain Ranges, the Diocese of San Pablo, thru its Commission on Ecology and the St Peter De Alcantara Parish, Pakil,, true to its mission need to make a stand and oppose the destruction of the environment as well as human rights violations.” Dagdag pa ng CMSP.
Nakatakda ang ‘Rally para sa Pakil, Kalikasan at Kultura’ sa ika-5 ng Hulyo, 2025 na magsisimula sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Concelebrated Mass ganap na alas-sais y medya ng umaga sa St. Peter de Alcantara Parish Church o mas kilala bilang Simbahan ng Pakil na susundan ng martya patungo sa tanggapan Ahunan Power Inc. bagong magtungo sa Plaza Adonay kung saan magkakaroon naman ng maikling programa.
Mariing tinutulan ng mga residente, magsasaka, at iba pang organisasyon ang 1,400-megawatt project ng Ahunan Power Inc. na sasaklaw sa higit 136 ektaryang lupain sa mga barangay ng Baño, Rizal, Taft, at Burgos.
Batay sa mga pag-aaral, ang pumped-storage hydropower facilities ay maaaring magdulot ng mapaminsalang epekto sa kalikasan, tulad ng pagkamatay ng mga isda, pagbaba ng kalidad ng tubig, at ang likas na pamumuhay ng mga yamang-dagat.
Itinuturing na banal at pinagkukunan ng inuming tubig ang ilang bukal sa Pakil, habang nanganganib rin ang mga sakahan, kabuhayan, at makasaysayang lugar tulad ng Simbahan ng Parokya ni San Pedro Alcantara, kung saan nakadambana ang Nuestra Señora de los Dolores de Turumba.
Magugunitang buwan ng Marso nang maglabas ng pahayag si San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. at nanawagan sa mga may kinalaman sa proyekto, lalo na sa Department of Energy, Ahunan Power Inc., at Department of Environment and Natural Resources, na muling pag-aralan ang proyekto at tiyakin ang tunay na konsultasyon sa mamamayan.