138,958 total views
Mga Kapanalig, ngayon ay World Habitat Day. Layunin ng taunang pagdiriwang na ito na isulong ang karapatan ng lahat sa maayos na tirahan. Sa taóng ito, ang tema ng World Habitat Day ay nakatuon sa mga urban crisis responses. Inaanyayahan ang bawat isa, lalo na ang mga pamahalaan sa buong mundo, na tugunan ang iba’t ibang krisis na kinakaharap sa mga kalunsuran.
Halimbawa, nariyan ang tumitinding krisis sa klima dahil sa climate change na nagdudulot ng mas malakas na ulan at matinding pagbaha. Biktima ng krisis na ito ang mga walang tirahan o homeless, ang mga nakatira sa mga peligrosong lugar katulad ng tabing-ilog, at mga may bahay nga ngunit gawa naman sa mahihinang materyales. Madalas tanungin ang mga kapatid nating ito: Bakit kasi nagsisiksikan sila sa Maynila gayong wala na ngang matirahan dito? Bakit nagtatayo sila ng bahay sa mga delikadong lugar? Bakit hindi nila tibayan ang kanilang mga bahay?
Walang sinumang gugustuhin na manirahan sa lansangan, sa mga delikadong lugar, o sa mga barong-barong na madaling liparin ng malakas na hangin. Iyon nga lang, hindi lahat ay may pagkakataong pumili kung saan sila mahihirahan. Maraming kababayan natin ang napipilitang pumunta sa mga lungsod dahil walang oportunidad o pagkakakitaan sa kanayunan. Dahil naman sa kakulangan ng maayos na pagpaplano sa mga siyudad, nag-aagawan ang lahat sa lupa. Nagtutulak ito sa marami na tumira sa mga peligrosong lugar. Kung sa pagkain ay kulang na ang sahod ng mga manggagawa, paano pa nila gagastusan ang pagpapatibay ng kanilang bahay?
Ito ang punto ng tema ng World Habitat Day sa taóng ito. Magkakaugnay ang mga epekto ng problema sa pabahay, lalo na sa mga lungsod. Mula sa mga kabuhayan at sahod ng mga manggagawa hanggang sa climate change at paggamit ng lupa—lahat ng mga ito, dapat isaalang-alang para matugunan ang urban crisis. Pero sa halip na pagtuunan ito ng pansin ng mga lider natin, abala sila sa pangungurakot at mga pansariling interes. Ayon sa Ibon Foundation, sa tinatayang 197 bilyong piso na sinasabing nawala sa pangungurakot sa mga flood control projects, mayroon na raw sanang mahigit 174,000 na pamilya ang napatayuan ng pabahay na mura, disente, at climate-resilient.
Ibang usapin pa, mga Kapanalig, ang ‘di maipasa-pasáng National Land Use Act (o NLUA). Kung maisabatas ito, makatutulong ang NLUA sa pagpaplano ng ating mga lupa para mapaglaanan ng sapat at ligtas na espasyo ang pabahay. Dahil may mga mambabatas tayong may mga negosyong nakikinabang sa kawalan ng maayos na pagpaplano ng lupa, tatlong dekada nang nakabinbin ang panukalang NLUA.
Ang maayos na tirahan ay pangunahing pangangailangan ng tao para mabuhay siya nang may dignidad. Ipinaaalala ng mga panlipunang turo ng Simbahan na hindi kailanman magiging makatarungan ang isang lipunang hindi iginagalang ang dignidad ng tao. Ang bawat kilos o patakarang ipatutupad ng pamahalaan ay dapat nagtataguyod ng dignidad na ito. Ito ang pinakamahalagang tungkulin ng pamahalaan—ang masigurong ang dangal at karapatan ng bawat mamamayan ay naisusulong at napoprotektahan.
Mga Kapanalig, nawa’y huwag nang madagdagan ang mga batang katulad ni Hesus na “isinilang sa sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila.” Ito ang kuwento ng Kanyang kapanganakan sa Lucas 2:7. Sa kabit-kabit na ugat ng problema sa pabahay, hindi natin kailangan ng mga lider na kukurakutin ang pondo ng bayan na libu-libong tirahan na sana ang naitayo. Hindi natin kailangan ng mga lider na ang uunahin ay ang interes ng kanilang mga negosyo kaysa ang kapakanan ng taumbayan. Ipaalala po natin sa ating mga lider na pangunahing tungkulin nila, bilang mga binabayaran ng ating buwis, ang pagtataguyod ng ating dignidad.
Sumainyo ang katotohanan.






