231 total views
Mga Kapanalig, maliban siguro sa mga kababayan nating naapektuhan ng Bagyong Nina sa Bikol at mga kapatid nating nawalan ng bahay dahil sa malaking sunog sa Quezon City, maraming Pilipino ang masayang sinalubong ang taóng 2017. Hindi pa rin nawala ang nakasanayan ng ilan sa ating magpaputok, sa paniniwalang itinataboy ng mga ito ang malas sa ating buhay.
May ilan namang sa halip na mga paputok o firecrackers ang sindihan, baril ang kanilang ginamit sa pag-iingay. At kasabay ng pagpasok ng bagong taon ang nakakalungkot na balita tungkol sa mga tinamaan ng ligaw na bala o stray bullet. Dito sa Metro Manila, tatlong kaso ang naitala, at dalawa sa kanila ay mga bata.
Kamakailan, isa sa mga biktima ng walang saysay na pagpapaputok ng baril ang binawian ng buhay. Si Emilyn Villanueva Calano, labinlimang taong gulang at iskolar, ay nanonood lamang ng mga pailaw o fireworks sa labas ng kanilang bahay sa Malabon nang siya ay tamaan ng bala. Tatlong araw siyang na-comatose. Hindi nagawang tanggalin ng mga doktor ang bala sa kanyang ulo dahil sa maselan niyang kalagayan, at noong Miyerkules ng gabi ay pumanaw si Emilyn. Bagama’t bigong maglabas ng kautusan ang pamahalaan upang tuluyan nang i-ban ang paggamit ng paputok sa tuwing sasapit ang bagong taon, ninais na lamang ng PNP at DOH ang zero casualty sa pagsalubong ng bagong taon; hindi ito natupad sa pagkamatay ni Emilyn.
Bakit nga ba may mga kababayan tayong nagpapaputok ng baril kapag bagong taon? Hindi pa ba sapat ang pag-iingay gamit ang mga torotot at ang mga pampublikong fireworks display? Kailangan bang may buhay na maging kapalit ang ating kasiyahan?
Sinasalamin ng iresponsableng paggamit ng baril—kahit pa sa panahon ng kasiyahan gaya ng pagdiriwang ng bagong taon—ang pagkiling ng ilan sa atin sa karahasan. Ang pagkamatay ni Emilyn, gayundin ng ibang mga inosenteng batang biktima ng ligaw na bala, ay masakit at masaklap na paalaala sa atin tungkol sa kawalan ng saysay ng karahasan. Sa maraming bahagi ng daigdig, mga bata ang pinakaapektado ng karahasan, karahasang nag-uugat sa pagkamakasarili ng tao. Buhay at kinabukasan ng mga bata ang isinasakripisyo ng mga taong ginagamit sila upang kumita sa prostitusyon, sapilitang paggawa, at pagtutulak ng droga. Ang mga pangrap ng mga bata ang ninanakaw ng mga digmaan. Nakalulungkot na dito sa atin, ang mga gawing katulad ng pagpapaputok ng baril sa ngalan ng kasiyahan at tradisyon ay nagiging dahilan ng kanilang maagang kamatayan.
Sa isang sulat noong Kapistahan ng mga Sanggol na Walang Malay o Niños Inocentes, inanyayahan ni Pope Francis ang mga obispo na sa kanilang pagninilay sa imahe ng sanggol sa sabsaban ay mapagnilayan rin nila ang hapis ng mga nagdurusa, na masdan at pakinggan ang nagaganap sa kanilang paligid, at buksan ang kanilang mga puso sa pighati ng mga tao, lalo na sa gitna ng mga masasakit na pangyayaring ang biktima ay mga bata.
Ito rin po ang tawag sa ating lahat. Sa masaklap na sinapit ni Emilyn, hindi tayo dapat magbingi-bingihan sa tawag ng katarungan. Huwag tayong maging manhid sa sakit na nararamdaman ng kanyang pamilya. Sikapin nating pangalagaan ang mga bata laban sa mga nagnanakaw ng kanilang saya, kamusmusan, at buhay. Ipanalangin nating mabilis na mabigyan ng hustisya si Emilyn at ang iba pang katulad niyang namatay dahil sa iresponsableng paggamit ng baril ng mga taong sariling kasiyahan lamang ang inisip. Panawagan sa ating pamahalaan: mas paigtingin pa sana ang pagkontrol sa pagkakaroon at paggamit ng mga baril ng mga mamamayan.
Mga Kapanalig, huwag nating hayaang manakaw ang saya, dignidad, at mismong buhay ng ating kapwa, lalo na ng mga bata, sa ngalan lamang ng pagsunod sa mga baluktot na paniniwala.
Sumainyo ang katotohanan.