30,836 total views
Mariing kinondena ng Conference of Major Superiors in the Philippines – Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) at kanilang mga mission partners ang patuloy na katiwalian sa flood control projects at reclamation na lalo pang nagpapalala ng pagbaha sa bansa.
Sa isinapublikong pahayag ng organisasyon na may titulong “Let Justice Roll Like a River, Not Contracts into Pockets,” ay iginiit ng relihiyosong grupo na ang paulit-ulit na pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-lugar ay hindi lamang dulot ng likas na kalamidad kundi bunga rin ng kasakiman at maling pamamalakad sa mga ahensya ng pamahalaan.
Tinukoy din ng CMSP-JPICC na ang mga reclamation projects ay higit na nagpapalala ng pinsala sa kalikasan na maituturing na sumasakal sa dalampasigan, sumisira sa bakawan, at nagtutulak ng tubig-dagat papasok sa mga pamayanan.
“These floods are not simply “acts of nature.” They are human-made tragedies, fueled by greed, corruption, and reckless policies that put profit above people and creation. Billions are poured into flood-control projects, yet what do we see? Ghost projects, overpriced contracts, and substandard works that collapse under the first storm. Reclamation projects worsen the destruction; choking our coasts, narrowing waterways, uprooting mangroves, and forcing seawater deeper inland, drowning our cities.” Bahagi ng pahayag ng CMSP-JPICC.
Kasabay naman ng pagbubukas ng Season of Creation na ginugunita sa buong buwan ng Setyembre hanggang ika-apat ng Oktubre na Kapistahan ni San Franscisco ng Assisi ay nanawagan ang mga relihiyosong grupo sa mga pinuno ng pamahalaan at mamamayan na yakapin at isulong ang katapatan, katarungan, at pananagutan sa pangangalaga ng kalikasan gayundin ang pangangailangan ng transparency, at pananagutan sa mga sangkot sa katiwalian.
“We call on our leaders and fellow citizens to embrace honesty, courage, and ecological responsibility. Flood-control and reclamation projects must be freed from corruption through transparency, open bidding, independent audits, and the full prosecution of those who plunder public funds. Destructive reclamation must be halted and reviewed, as it worsens flooding, displaces fisherfolk, and destroys marine ecosystems.” Dagdag pa ng CMSP-JPICC.
Partikular ding inalala ng grupo ang mga salita ni Pope Francis na nagsabing ang katiwalian ay isang kasamaan at hindi lamang isang kasalanan na dapat na malunasan sa lipunan.
Ipinaalala rin ng grupo ang mensahe ni Pope Paul VI hinggil sa panganib ng labis na pagsasamantala sa kalikasan na nagbabalik ng pinsala sa sangkatauhan tulad ng nasaad sa ensyclical na Laudato Si’ na nagbibigay diin sa dapat na pangangalaga sa sangnilikha.




