39,331 total views
Inaanyayahan ng Radyo Veritas ang mga mananampalataya na dumalo sa Mary and the Eucharist Exhibit na gaganapin sa Fisher Mall, Quezon City mula Setyembre 3 hanggang 11, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria (September 8).
Ayon kay Fr. Roy Bellen, pangulo ng himpilan, mahalagang pagkakataon ang naturang exhibit upang mapagnilayan ang kahalagahan ng Eukaristiya sa tulong ng Mahal na Birheng Maria at mga banal.
“The Eucharist is an opportunity to deepen our faith, as Mary and the saints guide us by their example and intercession toward Christ, truly present in His Body and Blood. In this sacrament, we participate in the sacrifice that saved us and are united as one Church in His love,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng pari, napapanahon ang naturang gawain lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng mundo na hinahamon ng korapsyon, digmaan, at pagkakahati-hati ng lipunan.
“Amid the corruption, wars, and divisions that wound society today, we are called to seek refuge in the Eucharist — the summit of our faith and the unfailing source of healing, unity, and peace,” ani Fr. Bellen.
Layunin ng exhibit na isulong ang mas malalim na debosyon sa Banal na Eukaristiya at palakasin ang misyon ng Radyo Veritas bilang katuwang ng Simbahan sa pagsusulong ng new evangelization.
Tampok dito ang mahigit 100 imahe ng Mahal na Birheng Maria sa iba’t ibang titulo, gayundin ang mga banal na kilala sa kanilang debosyon sa Eukaristiya, kabilang sina Padre Pio, Blessed Carlo Acutis, at St. Tarcisius of Rome, at marami pang iba.
Maaaring bisitahin ng publiko ang Mary and the Eucharist Exhibit sa activity center ng Fisher Mall tuwing regular mall hours. Maaari ring magpatala ng mga mass intentions sa nasabing exhibit at maging Eucharistic Advocate ng himpilan. Ang lahat ng intensyon ay isasama sa mga misa ng Radyo Veritas araw-araw tuwing 6AM, 12NN, 6PM, at 12MN.




